Rice Source: DA

DA: P20/kilo ng bigas mas maganda pa kesa sa ibang uri ng imported na bigas

Cory Martinez May 18, 2025
18 Views

INATASAN ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang National Food Authority (NFA) na tiyakin ang kalidad ng bigas na ibebenta sa ilalim ng P20-per-kilo rice program.

Ibinigay ang kautusan sa ginanap na pulong kamakailan ni Tiu Laurel sa mga regional manager at mga pangunahing opisyal ng NFA.

Binigyang-diin ni Tiu Laurel na tumatayong chairman ng NFA Council, na ang subsidized rice program ay pagkakataon ng ahensiya upang pasubalian ang matagal ng maling paniwala na ang NFA rice ay mababa ang kalidad – opinyon na ipinapakalat ng mga kritiko at mga pulitiko.

“Ito ang ating pagkakataon upang palitan ang pananaw ng mga tao sa NFA rice. Gusto nating ipakita na ang bigas na ibebenta sa pinaka-nangangailangan ay hindi lamang abot-kaya, kundi malasa, masustansiya, at mas maganda pa kaysa sa ibang uri ng imported na bigas,” ani Tiu Laurel.

Ayon pa kay Tiu Laurel, pinapatupad ang naturang inisyatiba upang ipakita ang kalidad ng bigas na itinatanim ng mga Pilipinong magsasaka.

Sa ilalim ng Rice Tariffication Law, hindi na nag-aangkat ng bigas ang NFA para gawing reserba. Sa halip, nakatuon ito sa pagbili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka upang suportahan ang domestic production at masiguro ang patas na presyo.

Simula nang inilunsad ang inisyatiba ng P20 per kilo ng bigas noong Mayo a uno, kasama na ang P29 program noong nakalipas na mga linggo marami ang pumuri sa pinahusay na kalidad ng NFA rice.

Upang mas lalo pang masuportahan ang mga lokal na magsasaka, inatasan ni Tiu Laurel ang mga manager ng NFA na tukuyin ang mga lugar kung saan binabarat ng mga trader ang pagbili ng bigas.

Sa ganitong paraan, mapapalawak ng ahensiya ang pagbili ng bigas sa susunod na anihan at mahadlangan ang mga walang konsensiyang traders na nanloloko sa mga magsasaka.

Sinabi ng kalihim na seryoso si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na masigurong makikinabang ang mga magsasaka sa subsidized rice program at hindi maging butas para sa mga mandarayang trader.

Naunang inatasan ni Pangulong Marcos Jr. ang DA na palawakin ang programa sa bigas upang makinabang ang maraming bilang ng mga Pilipino, at mapanatili ang P20 na inisyatiba hanggang sa matapos ang termino nito sa 2028.

Dinagdagan din ng NFA ang kanilang trucks at pinapalawak ang imbakan at drying capacity upang bumili ng mas maraming palay sa mga magsasaka, lalo na sa mga lugar na mahirap marating.

Mayroon pang natitirang P9.8 billion ang ahensiya na magagamit sa pagbili ng palay ngayong taon – ang halaga na makakabili ng limang milyong 50-kilo bags ng bigas.

Sa kasalukuyan, mayroong imbentaryo ang NFA na katumbas ng walong milyong bags, kalahati nito ay nabili sa unang apat na buwan ng taon.