Calendar
Dahil sa iba’t-ibang kaso 3 dayuhan dinampot
INARESTO ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong banyagang pugante noong Abril 6 sa Pampanga at Parañaque City dahil sa
pandaraya at money laundering.
Dinakip ng mga Fugitive Search Unit (FSU) agents ng BI si Kim Namhoon, 48, sa Angeles City, Pampanga dahil sa kasong pandaraya, batay sa warrant of arrest na inilabas ng Seoul Nambu District Court .
Ayon sa mga awtoridad, peke ang construction subcontract na kanyang ginawa noong 2014 at ginamit upang dayain ang isang biktima ng humigit-kumulang 30 million Korean won.
Natuklasang overstaying na sa Pilipinas mula pa noong 2017 ang Koreano.
Kasama ring inaresto sa operasyon si Kim Kyoung Rei, 34-anyos na Korean national, dahil sa umano’y pagtatago sa pugante.
Inaresto rin ng BI-FSU si Wang Weixiao, 36, isang Chinese national, sa Parañaque City dahil sa kasong money laundering.
Batay sa impormasyon, sangkot si Wang sa paglilinis ng mahigit isang milyong yuan mula sa mga pondong nakuha sa pandaraya sa pagitan ng Pebrero at Agosto 2022.
Natuklasan ding overstaying na siya sa bansa mula pa noong Marso 2025.
Pinuri ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang tagumpay na operasyon at muling iginiit ang paninindigan ng BI laban sa mga puganteng banyaga.

