PCSO

Dalawang tumama ng P15.8M jackpot sa SuperLotto kumubra na

188 Views

KINUBRA na ng dalawang nanalo sa P15.84 milyong jackpot prize ng SuperLotto 6/49 ang kanilang premyo.

Ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang mga nanalo ay tumaya sa Makati City at Caloocan City para sa bola noong Hunyo 11 kung saan lumabas ang winning number combination na 18-29-21-48-10-08.

Noong 1995 pa umano nagsimulang tumaya sa lotto ang taga-Makati na nanalo.

Ilang beses na umano itong tumama ng second prize o nakakuha ng lima sa anim na numerong lumabas.

“Lagi ko sinasabi sa mga treasurer ng PCSO na babalik ako one day, yung jackpot naman ang aking babalikan. Nagkatotoo nga!” sabi ng lalaking nanalo.

Ang tumama naman mula sa Caloocan ay nagpahabol lamang umano ng taya sa kanyang mister.

“Sabi ko sa asawa ko na kahit anung numero na lang basta ihabol mo. Tapos tumama pa pala kami ng jackpot,” sabi ng babaeng nanalo na planong bumili ng sariling bahay at magtayo ng negosyo.

Ang premyo na nagkakahalaga ng mahigit P10,000 ay pinapatawan ng 20 porsyentong buwis alinsunod sa Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.