Zamora

Davao solon suportado ang Kamara sa pamumuno ni Speaker Romualdez

Mar Rodriguez Oct 16, 2023
146 Views

ISANG opisyal ng Kamara mula sa Davao region ang nagpahayag ng pagsuporta sa Kamara de Representantes sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa gitna ng pag-atake dito ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ipinahayag ni Davao de Oro Rep. Maricar Zamora, vice chair of the House committee on appropriations ang kanyang pagsuportasa isang post sa Facebook noong Linggo.

“I stand with the House of Representatives. Sa lahat ng mga isyu na ipinupukol ngayon sa House of Representatives, nais ko lamang ipaabot ang aking buong suporta at patuloy na pagtitiwala sa aking mga kasamahan sa Kongreso, sa pamumuno ni Speaker Martin Romualdez, at sa lahat ng mga empleyado na patuloy na nagtatrabaho, may session man o wala, para maipaabot ang iba’t-ibang serbisyo ng gobyerno sa bawat Pilipino,” sabi ni Zamora sa post.

Ang Davao de Oro solon ay miyembro ng Lakas–CMD, at local party na Hugpong ng Pagbabago (HNP), na siyang partido ni Vice President Sara Duterte, anak ni dating Pangulong Duterte.

Si Zamora rin ang nagdepensa sa panukalang pondo ng Department of Education (DepEd) at Office of the Vice President para sa 2024.

“Hindi man tayo perpekto bilang institusyon, ngunit batid ko ang dedikasyon ng 19th Congress na: 1) mapabilis ang pagpasa ng mga prayoridad na batas, at 2) mapadali ang proseso ng paglapit ng mga serbisyo ng gobyerno upang mas maraming Pilipino ang makinabang,” paglalahad ni Zamora.

“Ang institusyong patuloy na binabatikos ay siya ring institusyon na nangunguna sa pagsiguro na maipatayo ang mga kinakailangan nating imprastraktura, mga paaralan, mga ospital, mga kalsada, tulay, paglaan ng pondo para sa iba’t-ibang social services, scholarship, medical assistance, at kung anu-ano pa,” dagdag nito.

Kamakailan ay nagdesisyon ang House of Representatives na ilipat ang kabuuang P1.23 bilyong confidential funds ng mga civilian agency, kabilang ang sa Office of the Vice President (OVP) at DepEd, sa mga ahensya na direktang may kaugnayan ng pagbibigay ng seguridad sa bansa.

Matapos ito ay ipinagtanggol ng dating Pangulo ang paghingi ng confidential fund ng mga tanggapan ng kanyang anak at ipinasilip sa Commission on Audit ang paggamit ng pondo ng Kamara.

“Sa ilang taon akong nanilbihan sa Kongreso, naramdaman ko ang pagiging mas-accessible ng Kongreso para sa mga ordinaryong mamamayan. Mas makatarungan ang pamimigay ng mga alokasyong nararapat sa bawat distrito,” paliwanag bi Zamora.

“Ngayon mas napahalagahan ang Congressman na masipag sa kanyang trabaho sa Kongreso at distrito, at makakasungkit ng pondo para sa kanyang mga nasasakupan,” paglalahad pa nito

Nasa ika-apat na termino na si Zamora bilang kinatawan matapos magsilbi ng tatlong nagkakasunod na termino mula 2010 hanggang 2019.

“Kaya naman nais kong ipaunawa sa aking mga kababayan sa unang distrito ng Davao de Oro, na sa gitna ng mga isyung ito, patuloy kami sa House of Representatives na magtatrabaho ng naaayon sa aming mga katungkulan at patuloy na pagsisikapang maisakatuparan ang ipinangakong kaginhawaan,” aniya.

“Kaya ang aking panawagan, sa halip na magbangayan at mag-away-away, ay magka-isa na tayo, sama-sama na tayo patungo sa Bagong Pilipinas.”

Kamakailan ay dinipensagan ng political leaders sa Kamara ang institusyon mula sa mga pag atake ni dating pangulong Duterte, at sinabi na ang realignment ng confidential funds ay ginawa ng isinasaalang-alang ang interes ng buong bansa.

“It is essential to understand that this decision was made for the benefit of the nation and not as a personal affront to any individual, including Vice-President Sara Duterte-Carpio,” sabi sa joint statement na inilabas ni House Secretary General Reginald Velasco.

Bukod sa OVP at DepEd, inalisan din ng confidential fund ang Department of Agriculture (DA), Department of Foreign Affairs (DFA), at Department of Information and Communications Technology (DICT).