De Lima

De Lima: Di pwedeng precedent kaso ko para sa remote voting

49 Views

IGINIIT ni House prosecutor at Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima, na miyembro ng House prosecution panel, na hindi maaaring gamiting precedent ang kanyang naging pagkakadetine noon para sa remote voting sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay De Lima, iginagalang niya nang buo ang Senado bilang kapantay na sangay ng gobyerno at bilang impeachment court na itinakda ng Konstitusyon.

Aniya, wala siyang kinukwestiyon sa kapangyarihan ng Senado na pamahalaan ang sarili nitong mga proseso, kundi ang paggamit sa kanyang naging sitwasyon bilang maling paghahambing.

“Napakadaling gamitin ng ilan ang pinagdaanan ko kapag naaayon ito sa kanilang agenda,” sabi ni De Lima.

“Kahit fake news, kahit ibang-iba ang totoong nangyari noon, ipinipilit pa rin para lang umakma sa kanilang naratibo,” dagdag pa niya.

Ipinaliwanag ni De Lima na ang mga naunang resolusyon kaugnay sa kanya ay limitado lamang sa paglahok sa Senate committee hearings at plenary deliberations sa pamamagitan ng teleconferencing, at hindi tungkol sa remote voting sa impeachment trial.

Binigyang-diin din niya na hindi kailanman naaprubahan ang mga naturang resolusyon kaya’t hindi ito naging precedent.

Ayon sa dating senador, maling ginagamit ang kanyang kaso ng ilang sektor upang bigyang-katwiran ang mga espesyal na exemption sa Senado, habang umiigting ang usapin ukol sa mungkahing remote participation o remote voting sa impeachment trial ni Duterte.

Nilinaw rin ni De Lima ang mga naunang alegasyon na tumanggi umano siyang magpaaresto o nagtago sa loob ng Senado noong siya ay arestuhin noong 2017.

“Noon pa man, sinasabing hindi raw ako nagpaaresto sa Senate premises. Malinaw na kasinungalingan iyon dahil mapayapa akong humarap at nagpaaresto sa Senado,” aniya.

“Hindi ako nagtago sa Senado, hindi ako nagdulot ng kaguluhan, hindi ako tumakas, at hindi ko inilagay sa panganib ang buhay ng iba,” dagdag niya.

Sinabi ni De Lima na malinaw ang mga katotohanan: mapayapa siyang humarap sa mga awtoridad, hindi lumaban sa pag-aresto, hindi nagdulot ng kaguluhan, at hindi nagsapanganib ng sinuman.

Aniya, mahalagang malinaw ito upang hindi malito ang publiko sa usapin ng mga patakarang dapat pairalin sa impeachment trial.

Dagdag pa niya, kahit noong panahon ng COVID-19 pandemic kung kailan pinayagan na ang teleconferencing sa ilang pagkakataon, hindi pa rin siya pinayagang lumahok nang remote.

“Ngayon ginagamit nila ang mga resolusyong inihain noon para payagan akong dumalo sa hearings at deliberations via teleconferencing,” sabi ni De Lima.

“Pero hindi naman iyon naaprubahan. Kahit may pandemya noon at inamyendahan ang rules para sa teleconferencing, hindi pa rin ako pinayagan,” dagdag niya.

Iginiit ni De Lima na hindi dapat gamitin bilang precedent ang kanyang kaso para sa remote voting sa impeachment proceedings.

“Mas mahalaga, walang shortcut o railroading na ginawa noon para amyendahan ang Senate rules para lamang pagbigyan ang kahilingang hindi naman naaprubahan,” ani De Lima.

“Kaya malinaw iyon. Tigilan na nila ang pagkukumpara,” dagdag niya.

Nagbabala rin si Senador Francis “Kiko” Pangilinan laban sa paghahalo ng magkakaibang legal at factual na sitwasyon.

“Hindi puwedeng basta ihalo ang magkakaibang konteksto at sitwasyon,” ani Pangilinan sa isang Facebook post.

Ayon kay Pangilinan, ang mga naunang mungkahi kaugnay kay De Lima ay nakatuon lamang sa teleconferencing noong pandemya o sa paglahok sa Senate proceedings, at hindi sa pagboto. Dagdag niya, hindi rin naman ito naaprubahan kaya hindi naging precedent.

Para kay De Lima, mahalagang malinaw ang pagkakaibang ito dahil ang impeachment trial ay isang napakahalagang prosesong konstitusyonal.

Aniya, may mabigat na responsibilidad ang mga senador bilang mga hukom upang tiyaking magiging kapani-paniwala, transparent, at patas ang proseso para sa lahat ng panig.

Sinabi rin niya na may sapat na awtoridad at kakayahan ang Senado upang tukuyin ang sarili nitong mga patakaran, ngunit dapat itong gawin nang may konsiderasyon sa konteksto, precedent, due process, at tiwala ng publiko.

“Mahiya naman ang mga nagsasabing pareho lang ang pinagdaanan ko sa sitwasyong gusto nilang pagbigyan ngayon,” sabi ni De Lima.

Hinimok ni De Lima ang Senado na protektahan ang kredibilidad ng impeachment court sa pamamagitan ng pagtanggi sa mga maling paghahambing na binubura ang mahahalagang pagkakaiba sa legal, factual, at contextual na usapin.

Aniya, simple lamang ang punto: ang isang hindi naaprubahang kahilingan para sa teleconferencing noong siya ay nakakulong ay hindi maaaring gawing precedent para sa remote voting sa impeachment trial ngayon.

Nauna nang nagpahayag ng pangamba ang House prosecution panel na maaaring makaapekto sa impeachment trial ni Duterte ang mga mungkahing pagbabago sa Senate rules ukol sa remote participation o voting.

Sinabi ni De Lima na ang mga pangambang ito ay inihahayag nang may buong paggalang sa kasarinlan ng Senado at sa papel nito bilang impeachment court.