Calendar

De Lima kinuwestyon pagiging patas ng ilang senator-judges sa impeach trial
MULING kinuwestyon ang pagiging patas ng ilang senator-judges sa nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Lalo na’t may ilan sa kanila na hayagang nagpapakita ng pagkiling at dapat isaalang-alang umano ang kusang pag-inhibit sa pagdinig.
“It is a clear basis. It is a legal basis. It’s a just basis,” ayon kay dating Senador at Representative-elect Leila de Lima ng Mamamayang Liberal Party-list, kaugnay sa mga pahayag at kilos ng ilang senador na nagpapakita ng pagkiling kay Duterte.
“Pero ang nag-decide ‘yan… sila, voluntary,” sinabi ni De Lima sa panayam ng Laban para sa Karapatan radio program nina Atty. Lorna Kapunan at Jaime Regalario sa dwIZ.
Ginawa ni De Lima ang pahayag habang binabanggit ang kilos ng ilang senador na hayagang nagpahayag ng suporta kay Duterte at nakasama pa ito sa mga biyahe sa ibang bansa sa kasagsagan ng impeachment proceedings.
Tinukoy niya sina Senador Imee Marcos at Robin Padilla na sinamahan pa umano si Bise Presidente Duterte sa Kuala Lumpur kahit alam nilang bahagi sila ng Senate impeachment court.
Lumutang ang isyu kasunod ng batikos mula sa mga sektor ng civil society, mga legal expert at akademya matapos maghain si Senador Ronald “Bato” dela Rosa ng mosyon para ibasura ang impeachment case.
Giit ni De Lima, ang ilang senador ay tila mas kumikilos bilang tagapagtanggol kaysa tagahatol, dahil sa mga pahayag nila na kampi sa panig ng depensa.
“Talaga namang halatang-halata na sila. Pagsasalita even sa conduct nila,” ani De Lima. “Remember may dalawang Senador na sinamahan pa si VP Sara sa Kuala Lumpur. Imagine that.”
Nilinaw ni De Lima na walang kapangyarihan ang prosekusyon na pilitin ang isang senator-judge na mag-inhibit.
Gayunman, iginiit niyang ang mga kilos ng ilang senador—tulad ng pagbibigay ng public support kay Duterte bilang susunod na pangulo—ay malinaw na paglabag sa dapat na asal para sa isang hukom.
“Kung sa basehan, may basehan. Malinaw ang basehan. What else can you call that kundi pagkiling,” ayon sa dating senador.
“Saan ka nakakita ng isang korte ng isang judge na nag-file at nag-move for dismissal? Hindi po ‘yan nangyayari,” dagdag pa ni De Lima.
Ayon pa kay De Lima, nakasalalay sa konsensiya at asal ng isang senador kung siya’y magpapakita ng delicadeza o paggalang sa angkop na gawi ng isang hukom.
“So nasa concerned judge na ‘yan kung meron siyang delicadeza, kung may sense of propriety,” sabi pa ni De Lima. “Ordinarily he should, doon sa mga pinakita na nila na mga asal.”
Nang tanungin ukol sa pananaw ng publiko sa nalalapit na paglilitis, iginiit ni De Lima na may karapatan ang mamamayan na malaman ang buong katotohanan at hindi ito dapat ipagkait sa publiko.
“Karapatan ng taong bayan na malaman ang katotohanan. Hindi ito political persecution na sinasabi nila,” ayon kay De Lima.
“‘Yung kaso ko, ‘yun ang political persecution. Pero ito, tungkol po ito sa katotohanan, hustisya at pananagutan,” giit pa nito.