Calendar
Defensor: Mali na mas maraming ‘no’ votes, no impeachment sa Senado
IGINIIT noong Miyerkules ni Senior Deputy Majority Leader at kinatawan ng Iloilo na si Lorenz Defensor na isang-katlo lamang ng kabuuang miyembro ng Kamara ang kailangan upang maipadala sa Senado ang kasong impeachment laban kay Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte.
Tinutulan niya ang mga pahayag na aniya’y mali, na maaaring mabigo ang reklamo kung mas marami ang “no” votes kaysa “yes” votes sa plenaryo.
“Malinaw na ayon sa Konstitusyon, isang-katlo lamang ang kailangan, at iyon din ang intensyon ng mga bumuo ng ating Konstitusyon. Laging one-third lang ang kailangan na boto para umakyat sa Senado para sa paglilitis,” ani Defensor sa isang panayam sa ANC Headstart.
Naipasa na ng House Committee on Justice sa plenaryo ang ulat nito na nagsasabing may probable cause upang i-impeach si Duterte, kasama ang kaukulang resolusyon na naglalaman ng Articles of Impeachment, matapos ang nagkakaisang botong 55-0 pabor sa pag-apruba nito.
Tinuligsa ni Defensor ang mga kumakalat na pahayag online at sa ilang legal na komentaryo na awtomatikong mabibigo ang impeachment complaint kung mas marami ang tutol kaysa pabor sa botohan sa plenaryo.
“Kaya pareho lang iyon—kung galing sa committee, pagdating sa plenary, one-third lang ang kailangan. Kahit mas marami ang ‘no,’ hindi iyon mahalaga,” aniya.
“Mali iyon, dahil ang isang-katlo lang ang kailangan para maipadala sa Senado para sa paglilitis,” dagdag pa niya.
Nilinaw din ni Defensor na ang boto ng Kamara ay hindi paghatol ng pagkakasala, kundi isang mekanismong konstitusyonal upang matukoy kung may sapat na batayan upang iakyat ang kaso sa isang impeachment trial sa Senado.
“Ang one-third vote ay hindi boto para sa conviction. Ito ay para lamang maipadala ang kaso dahil may sapat na ebidensya upang magkaroon ng paglilitis sa impeachment court ng Senado,” aniya.

