Calendar
Demolisyon, pagbakod sa Metrowalk sinimulan na ng DOTr para sa MMSP
SINIMULAN na ng Department of Transportation (DOTr) nitong Miyerkules ang demolisyon at pagbabakod sa Metrowalk—ang lupang pagtatayuan ng Ortigas Station para sa Metro Manila Subway Project (MMSP).
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., pinabibilisan ng DOTr ang konstruksyon ng subway upang maibsan ang araw-araw na hirap ng mga mananakay.
Ayon kay Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez, mahalagang bahagi ng MMSP Ortigas Station ang Metrowalk property.
“Matapos ang halos tatlong taong pagkaantala, sinimulan na natin ang demolisyon at pagbabakod sa property upang masimulan na rin natin ang pagtatayo ng Ortigas Station ng subway,” ani Lopez.
Noong nakaraang buwan, pinangunahan nina Lopez at Pasig City Mayor Vico Sotto ang demolisyon sa kalapit na Blackrock property.
Sa kasalukuyan, nasa 82 porsyento na ng Right-of-Way para sa MMSP ang nakuha ng DOTr, at target nitong maabot ang 95 porsyento pagsapit ng Disyembre.
“Talagang minamadali na ng DOTr ang mga natitira pang right-of-way sa MMSP para tuloy-tuloy na ang konstruksyon ng proyekto at mapakinabangan na ng mga komyuter,” dagdag pa ni Lopez.
Pinangunahan naman ni Transportation Assistant Secretary for Right-of-Way and Site Acquisition (ROWSA) IC Calaguas ang demolisyon at pagbabakod sa property na sasaklaw sa buong Ortigas Station ng MMSP.
Kasama ni Asec. Calaguas sa aktibidad sina dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson at Ako Ilocano Ako Partylist Representative Richelle Singson Michael.
Ayon sa dating gobernador, nakikiisa ang kanilang pamilya sa proyekto ng pamahalaan.
Ang pamilya Singson ang may-ari ng Blemp Commercial of the Philippines Inc. (BCPI), ang kumpanyang nangangasiwa sa Metrowalk na may kabuuang sukat na humigit-kumulang walong ektarya, kung saan 12,752 metro kuwadrado ang gagamitin para sa Ortigas Station.
Ang 33-kilometrong subway na may 17 istasyon ay mag-uugnay mula Valenzuela City hanggang Parañaque City, na may karugtong sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City.
Kapag natapos ang subway, bababa ang biyahe mula Valenzuela hanggang Pasay mula isang oras at 38 minuto tungo sa 45 minuto na lamang, na may inaasahang 519,000 pasahero kada araw pagsapit ng buong operasyon sa taong 2032.

