Calendar
Parañaque pinaghahandaan ang the ‘Big One’
PINAGHAHANDAAN ng pamahalaang lungsod ng Parañaque ang mga pamamaraan upang harapin ang banta ng posibleng pagtama ng malakas na lindol sa Metro Manila.
Ayon kay Mayor Edwin Olivarez, sabay-sabay na kumikilos ang Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), General Services Office (GSO) at Office of the Building Official (OBO) upang matiyak na mananatiling matatag ang lungsod laban sa anumang maaaring idulot na pinsala ng isang malakas na lindol, kahit pa nga wala sa fault line ang lungsod.
Mahalaga rin aniya ang papel ng 16 na barangay, iba’t ibang kagawaran tulad ng Bureau of Fire Protection-Parañaque, mga pampublikong ospital ng lungsod, Department of the Interior and Local Government (DILG), Health Emergency Management Services (EMS) team at Philippine National Police-Parañaque sa pagtugon sa mga natural na kalamidad.
“Kaya nga po ‘yung ating Disaster Risk Reduction and Management Office ay wala pong tigil sa pagbibigay ng edukasyon sa mga barangay po natin, sa lahat po ng ating pamayanan, para po alam kung ano po ang dapat gawin,” pahayag ni Olivarez.
Bukod sa patuloy na pagsasagawa ng serye ng mga earthquake drill sa mga pampublikong paaralan, nagsasagawa rin ng “structural audit” ang lungsod sa mahahalagang imprastruktura, kabilang ang mga gusali ng pampublikong paaralan.
Isinasagawa ang naturang audit alinsunod sa atas ng Department of Education-National Capital Region (DepEd-NCR) upang matiyak ang kaligtasan at katatagan ng mga gusali ng paaralan at maiwasan ang anumang peligro para sa mga mag-aaral at kawani.

