pauls

Dengue ulit ngayon

Paul M. Gutierrez May 19, 2022
265 Views

NANGANGAMBA ngayon ang mga residente sa buong Central Visayas dahil sa pagtaas ng kaso ng dengue kung saan nasa 31 katao na ang nasawi dito. Mula noong Mayo 7 aabot na sa 3,200 kaso ang naitala sa nasabing rehiyon ayon sa Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU-7).

Kapansin-pansin umano na mas tumindi ang pagtaas ng kaso ng dengue ngayong 2022 kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Sa buong Central Visayas, ang Cebu City ang may pinakamataas na kaso ng dengue na nasa 708 at hindi baba sa 11 ang namatay. May 444 kaso naman ng dengue ang Lapu-Lapu City na may anim na namatay at ang Mandaue City naman ay may 214 na kaso kung saan dalawa ang patay dahil sa dengue.

Sa Tagbiliran City, Bohol naman ay may 74 na kaso habang 71 naman sa Talibon at 28 sa Ubay.

Dahil wala pang mapagkakatiwalaang bakuna para sa dengue, nananatiling paglilinis ng kapaligiran ang nagiging reaksyon ng mga lokal na pamahalaan. Nakakalungkot dahil taun-taon na lamang na may namamatay dahil sa sakit na ito subalit wala pa rin tayong nakukuhang permanenteng solusyon.

Hindi katulad nitong sa COVID-19 na mabilis na natugunan ng daigdig ang pangangailangan sa bakuna. Kaya naman halos magbalik normal na rin ang ating mga buhay. Pero dito sa dengue, parang naghihintay tayo lagi kung kailan magkakaroon ng outbreak.

Kung tutuusin, kung hindi magkakaroon ng mas konkretong pagpaplano sa pagsugpo ng sakit na ito, magiging taun-taon natin itong magiging problema at marami pa ang mamamatay. Lalo na at hindi ganoon kadali ang makapag-imbak ng dugo na kakailanganin ng mga biktima ng dengue.

Tanda natin noon mga kababayan na lumapit tayo sa Philippine Red Cross upang magkaroon ng bloodletting activity. Ang minungkahi nilang buwan ay Mayo dahil ito umano ang buwan na kakaunti ang naiipon nilang dugo mula sa mga donor.

Inaasahan na maaaring tumindi pa ito dahil inanunsyo na rin ng PAG-ASA na opisyal na tag-ulan na sa ating bansa. Ibig sabihin nito ay marami na namang maiipong tubig na maaaring pagbahayan ng mga lamok at malaki ang posibilidad na magkaroon ng outbreak sa dengue.

Sa madaling salita may pangangailangan upang magkaroon ng bakunang mapagkakatiwalaan upang maproteksyunan ang ating mga mamamayan sa nakakamatay na sakit na ito. Tulad ng COVID-19, dapat mabigyan din ito ng sapat na atensiyon ng ating pamahalaan.

Matagal na nating problema ang dengue at marahil, mainam na matutukan ito ng bagong administrasyong Marcos-Duterte. Marami naman tayong magagaling na doktor at siyentista at naniniwala tayo sa kanilang kakayahan. Dapat lamang din na isang ‘doer’ at hindi isa na namang burukrata at pulitiko ang maitalaga na kapalit ni Sec. Duque sa DOH.

Ang naging siste kasi, ginamit sa pamumulitika ng administrasyon ni Noynoy Aquino para sa 2013 election ang kampanya laban sa dengue kaya nagkahetot-hetot tuloy, tsk!

Sinasabi nating mapagkakatiwalaang bakuna dahil sariwang-sariwa pa sa isip ng mga Pilipino ang naging kontrobersya ng Dengvaxia sa bansa natin kung saan itinuturo itong dahilan ng pagkamatay ng mga Pilipinong naturukan nito.

Hanggang ngayon, naghihintay pa rin ang mga biktima kung may mapapanagot dito o may makakamit pa silang hustisya.

Ito rin ang nakikitang dahilan kung bakit maraming mga Pilipino noon ang natakot sa bakuna para a COVID-19. Inaakala ng mga Pilipino na baka matulad sila sa mga namatay dahil umano sa Dengvaxia.

Ngayong unti-unti nang nagbabalik ang tiwala ng mga tao sa nagagawa ng bakuna, kinakailangan maging prayoridad na rin ng Department of Health (DOH) ang paglaban sa dengue. Hindi pwedeng puro sa COVID lamang tayo nakatuon dahil pareho lamang nakamamatay ang dalawa.

Pero sa tingin natin dinaig pa ng dengue ang COVID-19. Ang COVID may bakuna na, ang dengue linis-linis pa rin dahil wala pa ring matinong bakuna. Sa Covid may panlaban na, sa dengue katol pa rin at citronella.

Ansaklap naman talaga, tsk!