Loyzaga DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga,

DENR, 3 higanteng conglomerates nagsanib-pwersa

Cory Martinez May 9, 2024
146 Views

Para sa proteksyon ng Verde Island Passage

TATLONG higanteng conglomerates ang nakipagsanib sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para pangalagaan at protektahan ang marine ecosystem sa Verde Island passage (VIP) na noong unang panahon pa itinuturing na “center of the center” ng mundo sa marine shore fish biodiversity.

Sa isang Memorandum of Understanding (MOU), nagkasundo ang DENR at Aboitiz Equity Ventures (AEV), Metro Pacific Investments Corporation (MPIC) at San Miguel Corp. (SMC) na makikiisa sa DENR para ipagpatuloy ang pangangalaga sa critical waterway sa pagitan ng Luzon at Mindanao.

Magtatagal ang naturang MOU ng limang taon na may posibilidad na mapalawig at magbibigay ng pondo ang bawat signatory upang matiyak ang proteksiyon ng VIP at ibang karatig probinsya.

Kabilang sa layunin ng MOU ay ang pagpapatupad ng clean energy agenda ng pamahalaan sa pamamagitan ng resilient at sustainable low-carbon development sa VIP.

Isa pang mahalagang probisyon ng MOU ay ang pag-aatas sa mga partido na magtayo ng marine science biological research station na may mga pasilidad sa VIP at sa limang karatig probinsya, katuwang ang mga higher educational institutions katulad ng UP Systems, De La Salle University at ang California Academy of Sciences.

Kabilang pa sa kasunduan ang layunin ang mapabuti ang kabuhayan ng mga komunidad na malapit sa VIP, mabigyan ng oportunidad na marinig sila sa pamamagitan ng diyalogo na kung saan maaari nilang iparating ang kanilang karaingan at ang mabigyang sila ng pagkakataon na gamitin ang mga coastal at marine resources.

Matutugunan din ng MOU ang pangmatagalang layunin at target ng Kunming-Montreal Global Biodiversity Framework (GBF) na siyang resulta sa isinagawang 15th Conference of Parties to the UN Convention on Biological Diversity.

Ayon kay DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga, kinikilala ng tatlong conglomerates ang kahalagahan ng naturang natural treasure kaya nakikipag-tie up ang DENR para sa pangangalaga ng VIP.

Sa tulong ng kasunduan, inaasahang matutupad ang pitong layunin para sa VIP, na siyang tumatayong testigo na mayaman sa marine biodiversity ang Pilipinas.

Nakapalibot ang Batangas, Marinduque, Romblon, Oriental at Occidental Mindoro sa VIP.

Dahil sa kanyang strategic location, itinuturing itong puso ng Coral Triangle, isang malawak na katubigan na tinaguriang global epicenter ng marine life diversity na sumasakop sa Indonesia, Malaysia, Papua New Guinea, Solomon Islands at Timor-Leste.

Tirahan ang VIP ng may mahigit sa 1,700 marine species, kabilang ang may 60 porsyento ng mga shore fish species sa buong mundo at 300 na coral species.

Dahil sa dami ng mga iba’t-ibang marine species sa naturang passage, nararapat lamang na protektahan at alagaan ito upang mapanatili ang ecological balance hindi lamang sa Pilipinas kundi pati na rin sa global scale.

Paliwanag pa ni Loyzaga, nilalayon din ng MOU na makipag-kolaborasyon ang mga naturang kumpanya sa mga lokal na pamahalaan na sumasakop sa VIP, non-government organization, akademya, international development agencies, mga komunidad, people’s organizations at iba pang pribadong kumpanya para sa proteksyon at pagpapalago ng biodiversity at coastal marine resources ng VIP.

Samantala, mayroon na ring mga panukala na ideklara ang VIP bilang ”legally protect area” dahil nga ito ang tirahan ng may 300 coral species, 1,700 fish species at libo-libong marine organisms katulad ng pating at pagong at nagbibigay naman ng kabuhayan at iba pang benepisyo sa mahigit na dalawang milyong tao.