Abalos

DILG Secretary suportado panukala ni Robin para sa regionalization ng kulungan

212 Views

UMANI ng suporta mula sa kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang panukala ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla para i-regionalize ang mga kulungan sa bansa, para sa kapakanan ng mga presong hindi pa nahahatulan ng korte.

Ayon kay DILG Secretary Benjamin Abalos Jr., maraming malulutasang problema ang pagsulong ni Padilla na magtayo ng kulungan sa mga probinsya para mabawasan ang overcrowding at maaaring bisitahin ang mga Persons Deprived of Liberty ng kanilang mga pamilya.

“It will solve a lot of things dahil kung regionalized ito. Importante sa rehab therapy at nadadalaw ka. Ako naniniwala sa panukalang ito at susuportahan po namin ito,” ayon kay Abalos sa budget hearing ng DILG sa Senado nitong Biyernes.

Bago rito, naipunto ni Padilla na susuportahan na ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang ganitong regionalization, at makikipag-coordinate siya sa mga local government unit, dahil ito ang solusyon sa pag-decongest ng kulungan.

Naghain na rin ng Senate Bill 235 si Padilla para i-regionalize ang New Bilibid Prison at ibang penal farms sa bansa, para matugunan ang problema ng siksikan at para matiyak na mabisita ang mga bilanggo ng mga mahal nila sa buhay.

Samantala, tiniyak ng Bureau of Jail Management and Penology kay Padilla na ginagalang ang mga karapatan ng PDL na may iba’t ibang pananampalataya, kasama ang pagtiyak na hindi sila mabibigyan ng karneng baboy na bawal sa mga Muslim.

Pinag-aaralan din ng BJMP ang pagkaroon ng face-to-face na visitation na hindi magkaroon ng paghawa ng kasong Covid.