Abalos

DILG tinututukan kaso ng pamamaril sa mayro ng Datu Montawal

185 Views

TINUTUTUKAN ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang ang kaso ng pamamaril sa mayor ng Datu Montawal, Maguindanao del Sur sa Pasay City.

Ayon kay DILG Sec. Benjamin ‘Benhur’ Abalos, Jr. nasa maayos ng kalagayan si Mayor Ohto Montawal na pinagbabaril noong Pebrero 22.

“Masusi ko ngayong pinaiimbestigahan sa pulisya ang naganap na pananambang kay Mayor Ohto Montawal ng Tunggol, Datu Montawal, Maguindanao del Sur,” sabi ni Abalos. “Sa kabutihang-palad ay nadala agad sa ospital si Mayor Montawal at siya ngayon ay nasa maayos na kalagayan. Hangad natin na agarang manumbalik ang lakas ni Mayor Montawal upang makuhanan siya ng pahayag tungkol sa nangyaring insidente.”

Binuo rin ng Philippine National Police (PNP) ang Station Special Investigation Team Montawal (SSIT Montawal) upang tugisin ang mga salaring responsable sa pananambang at alamin ang posibleng motibo ng mga suspek.

Ayon kay Abalos mayroon ng mga testigo na nakikipagtulungan sa mga pulis kaugnay ng pangyayari.

“Asahan po ninyong hindi titigil ang PNP hanggang hindi nasusukol ang mga suspek,” sabi ni Abalos. “Inatasan ko rin ang PNP na mahigpit na bantayan at dagdagan ang seguridad para kay Mayor upang siguruhin ang kanyang kaligtasan mula sa anumang pagtatangka sa kanyang buhay.”