Alvarez1

Divorce Bill suportado ng advocate group

Mar Rodriguez May 13, 2023
653 Views

SUPORTADO ng nasa 100 libong miyembro ng pro-divorce advocate group ang panukalang batas ni dating House Speaker at Davao del Norte 1st Dist. Congressman Pantaleon “Bebot” D. Alvarez na nagsusulong ng diborso sa Pilipinas para sa mga mag-asawang malabo ng magkasundo at magsama.

Sa panayam ng People’s Taliba kay Alvarez, sinabi ng dating House Speaker na kaya gusto na nitong maisa-batas ang House Bill No. 4998 ay dahil narin sa pagsusumamo at paki-usap ng grupong Divorce Pilipinas Coalition na naninindigan na dapat ng magkaroon ng divorce law sa bansa.

Ipinaliwanag ni Alvarez na tanging ang Pilipinas na lamang ang bansang walang divorce law. Kung kaya’t sa palagay ng mambabatas ay masyado na aniyang napag—iwanan ang Pilipinas pagdating sa usapin ng diborsyo.

Binigyang diin pa ng kongresista na sa kabila ng mariing pagtutol ng iba’t-ibang religious sector dahil sa pagsusulong nito ng diborsyo sa Pilipinas. Iginiit ni Alvarez na hindi na maaaring itatwa ang katotohanan na marami umanong mag-asawa ang hindi magkasundo at nais ng maghiwalay.

Muling nanindigan si Alvarez na makakahabol sa deliberasyon sa plenaryo ng Kamara de Representantes ang kaniyang House Bill No. 4998 at posibleng maisabatas ito bago sumapit ang Sine Die Adjournment sa darating na Hunyo.

Nang tanungin naman ng People’s Taliba si Alvarez kung sa scale 1 hanggang 10 ay kung nasaan status ang kaniyang panukalang batas. Sinabi nito na nasa scale number 8 ang House Bill No. 4998. Kung saan, ang ibig sabihin ng kongresista ay maaaring makahabol sa deadline ang nasabing panukala.

“Sisikpain po natin na maipasa ang ating panukalang batas. Hindi ako mangangako pero ang mako-commit ko dito ay talagang pagsisikapan ko na maipasa namin ito bago kami mag-break ulit. Kung sa scale one to ten, ang tingin dito ay nasa eight,” sabi ni Alvarez sa People’s Taliba.

Gayunman, tanggap din ng mambabatas na sakaling hindi talaga umabot sa takdang oras o hindi maisabatas sa 1st regular Session ng Kongreso ang kaniyang panukalang batas. Aminado siya na sa susunod na session na lamang ng Mababang Kapulungan maaaring maisabatas ang HB No. 4998.

Ayon kay Alvarez, sakaling hindi talaga makahabol ang kaniyang panukala. Sa susunod na session na lamang ng Kamara nila muling itutulak ang Divorce Bill” pagkatapos ng ika-dalawang State of the Nation Address (SONA) ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

“Kung talagang hindi umabot, siguro after SONA na namin ito maitutulak. Mga ganoon na siguro iyan, pero sisikapin parin natin na huwag ng umabot ng SONA. Kasi maganda na pang SONA ng ating Presidente iyan (Divorce Bill),” sabi pa ni Alvarez.