DMW

DMW nakidalamhati sa trahedyang sinapit ng 2 OFW sa Kuwait

Jun I Legaspi Dec 6, 2024
68 Views

NAKIKIDALAMHATI ang Department of Migrant Workers (DMW) sa trahedyang sinapit ng dalawang Pilipinong manggagawa sa Kuwait na pumanaw makaraang makalanghap ng nakalalasong gas bunsod ng sunog nitong Disyembre 2, 2024.

Iniulat ni Labor Attaché Manuel M. Dimaano ng DMW Migrant Workers Office (MWO) sa Kuwait na ito ay sa gitna ng naganap na sunog sa Al Adan, Kuwait, kung saan nasawi ang mga Pilipinong manggagawa.

Ang MWO sa Kuwait ay kasalukuyang gumagawa ng mga legal na hakbang at inaasikaso ang mga isyung may kaugnayan sa insidente.

Bukod dito, ang MWO ay tumutulong na sa pagproseso ng mga kinakailangang dokumento para sa pagpapauwi ng mga labi ng mga nasawi patungo sa Pilipinas.

Samantala, binisita ng DMW Regional Office at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Western Visayas ang pamilya ng mga OFW sa Capiz at nagbigay ng tulong pinansyal upang suportahan ang mga apektadong pamilya sa panahon ng kanilang pagdadalamhati.

Ipinapaabot ng Department of Migrant Workers ang taos-pusong pakikiramay nito sa mga naulilang pamilya at tinitiyak ang buong suporta nito sa kanila.