Estafa

Doc, bebot kakaboso sa di pagsoli ng P1M ng negosyante, pera nabigong palitan ng dollar

Edd Reyes Dec 12, 2025
299 Views

TIKLO ang Filipino-American na doktor at umano’y kasabuwat na bebot nito dahil sa diumano’y pangga-gantso ng P1 milyon sa ka-transaksiyong negosyante sa Paranaque City.

Kaagad isinagawa ng mga tauhan ni Paranaque police chief P/Col. Nicolas Pinon ang pagdakip sa mga suspek na sina alyas “Migs”, 36, residente ng Batasan Hills, Quezon City, at kasabuwat na si alyas “Inkee” 51, ng Carmona, Cavite matapos magreklamo ang negosyanteng si Christopher Aguilar, kasama ang testigong si Richard Rebbes sa Tambo Police Station Biyernes ng alas-12:35 ng madaling araw.

Sa ulat ni Col. Pinon kay Southern Police District (SPD) Acting District Director P/BGen. Randy Arceo, nakipag-transaksiyon ang mga suspek sa biktima araw ng Huwebes sa isang silid sa Pargal Building, Macapagal Blvd., Brgy. Tambo para sa P1 milyong cash na ipapalit niya sa US$100,000 sa mga suspek.

Gayunman, matapos maibigay ang cash na salapi, bigo ang mga suspek na palitan ito ng katumbas na dolyares at hindi na rin nila isinoli ang P1 milyon na nais na lang makuhang muli ni Aguilar.

Sinabi ni Col. Pinon na hindi pa nababawi sa mga suspek ang nakuhang salapi sa negosyante habang inihahanda na ng pulisya ang pagsasampa ng kasong Swindling (Estafa) laban sa dalawa sa Paranaque City Prosecutor’s Office.