Calendar

Doc Nanay binigyang-diin kahalagahan ng Bantay Kalusugan
BINIGYANG DIIN ni House Deputy Majority Leader at dating Health Secretary Janette Garin nitong Huwebes ang kahalagahan ng programang “Bantay Kalusugan”, na nagbibigay-daan sa mga Pilipino—lalo na sa mga nasa laylayan ng lipunan—na agarang matugunan ang kanilang mga suliraning pangkalusugan.
Sa ilalim ng programa, agad na natutugunan ng mga doktor ang mga pasyente at naibibigay kaagad ang mga kinakailangang gamot sa mismong araw ng konsultasyon.
Nilalayon ng programang ito na masolusyunan ang karaniwang problema ng mga pasyenteng hindi na bumabalik sa health center para sa follow-up check-up dahil sa kakulangan sa pera o hirap sa pagbiyahe.
“Pagdating ng pasyente, maaasikaso kaagad sila. Pagdating sa doktor, medyo makukuha mo na ang health profile, at pag-alis nila, dala na ang gamot—maliban na lang kung sobrang komplikado, at doon nila dala ang referral,” paliwanag ni Garin sa isang panayam.
Binigyang-diin din ni Garin ang kahalagahan ng pakikiramay at taos-pusong serbisyo publiko.
“Napakaimportanteng maramdaman mo ang kailangan ng iyong kababayan… Nandito kasi ‘yung mas naiintindihan mo ang pangangailangan nila kung may puso kang nakikinig at nakauunawa,” dagdag pa niya.
Nanawagan din si Garin sa kapwa niya halal na opisyal na tiyakin ang pag-abot ng mga proyekto at serbisyong pampamahalaan sa pinakamahihirap na sektor ng lipunan.
“Napakaimportante sa ating mga elected government officials na malapitan mo ‘yung tao, at dapat ramdam mo ang kanilang pangangailangan—’yung serbisyong may puso,” ani Garin.
Bilang matibay na tagapagtaguyod ng abot-kayang serbisyong medikal, patuloy si Garin sa pagsusulong ng mga inisyatibang naglalapit ng serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayan.