Doctors

Doktor dadami sa dagdag na med schools sa SUCs — Villanueva

97 Views

MAKAKATULONG ang pag-apruba sa Doctor of Medicine programs sa limang state universities upang mapalawak ang access sa medical education at matugunan ang kakulangan at hindi pantay na distribusyon ng mga doktor sa bansa, ayon kay Sen. Joel Villanueva.

Si Villanueva ay nagsabing susuportahan ng karagdagang medical schools ang pagpapatupad ng RA 11509 na naglalayong tugunan ang healthcare inequality sa pamamagitan ng suporta sa edukasyon at pagsasanay ng mga susunod na doktor.

“This is a win for our youth aspiring to become doctors, for local communities, and for every Filipino who deserves quality healthcare,” ani Villanueva.

Nauna nang inaprubahan ng Commission on Higher Education ang Doctor of Medicine programs sa limang state universities simula academic year 2026-2027.

Sa bagong pag-apruba, tumaas mula 25 hanggang 30 ang bilang ng medical schools sa SUCs kaya naabot ang layuning magkaroon ng medical program sa bawat rehiyon ng bansa.

Ang limang paaralang inaprubahan ay Visayas State University, Eastern Samar State University, University of Eastern Philippines, Benguet State University, at Cotabato State University-Cotabato Regional Medical Center School of Medicine.

Ayon kay Villanueva, palalawakin ng mga bagong programa ang oportunidad sa medical education sa mga rehiyon at susuportahan ang pagsisikap na makapagprodyus ng mas maraming doktor para sa mga komunidad na nangangailangan.

Para sa 2026, itinulak ni Villanueva ang P1.095 bilyong pondo para sa Doktor Para sa Bayan program sa ilalim ng General Appropriations Act.

“Every doctor we train means countless patients who will receive timely and quality medical care,” dagdag niya.

Ang pagdaragdag ng medical schools sa mga rehiyon ay makatutulong upang mas mapalapit ang bansa sa layuning magkaroon ang mga komunidad ng access sa doktor at de-kalidad na healthcare.