Pangilinan

Pangilinan itinulak ang smart agriculture para sa food security

93 Views

HINIMOK ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ang mga lokal na pamahalaan, grupo sa teknolohiya, akademya at pribadong sektor na palawakin ang paggamit ng smart agriculture at climate-resilient solutions upang makatulong sa suplay ng pagkain sa bansa.

Kailangang mabigyan ang mga magsasaka at mangingisda ng mas malawak na access sa teknolohiya, pagsasanay, organisasyon at extension services upang makatugon sa mga hamon sa agrikultura at pangisdaan.

Ayon kay Pangilinan, makatutulong ang information and communications technology upang makakuha ang mga magsasaka at mangingisda ng napapanahong impormasyon tungkol sa lagay ng panahon, babala sa peste, presyo sa merkado at payo sa pagtatanim gamit ang kanilang mga cellphone.

Maaari ring makatulong ang ICT upang mas direktang maiugnay ang mga producer sa mga consumer sa pamamagitan ng mas maayos na supply chain.

Nilinaw ng senador na hindi dapat palitan ng teknolohiya ang tradisyunal na kaalaman sa pagsasaka at pangingisda, kundi dapat makatulong na palakasin ang naturang kaalaman sa pamamagitan ng siyensiya, datos at makabagong kagamitan.

“If we want to have ample food supply, we must mobilize resources towards the weakest link and provide them with capacity, with technology, with organization, with extension service,” sabi ni Pangilinan.

Ang renationalization ng extension services ay makatutulong upang mabigyan ang mga magsasaka at mangingisda ng technical assistance, training, modern farming practices, veterinary services, pest management support at access sa bagong teknolohiya hanggang sa antas ng munisipyo.

Ang muling pagtatatag ng Bureau of Agriculture Cooperatives ay makatutulong upang mas maging organisado ang mga magsasaka at mangingisda, makabili ng inputs sa mas mababang presyo, mas madaling makakuha ng pautang, makapag-invest sa kagamitan at makinarya, maproseso ang kanilang produkto at makipagnegosasyon para sa mas magandang presyo sa merkado.

Hindi lamang teknolohiya ang dapat tutukan sa mga programa sa agrikultura at pangisdaan, kundi maging ang pagpapalakas sa organisasyon at kakayahan ng mga food producer upang mapanatili ang suporta mula sa pamahalaan at pribadong sektor.

Patuloy niyang susuportahan ang mga repormang layuning gawing moderno ang agrikultura at pangisdaan at protektahan ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda.