Calendar
Source: DMW
Pag-uwi ng 24 Pinoy isa sa mahalagang resulta ng pagbisita ni Marcos sa Russia
NAGPASALAMAT si Senator Panfilo “Ping” Lacson kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos makauwi sa Pilipinas ang 24 na Pilipinong na-detain sa Russia kasunod ng pakikipag-usap ng Pangulo kay Russian President Vladimir Putin.
Sa isang pahayag nitong Linggo, sinabi ni Lacson na ang pag-uwi ng mga Pilipino ay isa sa mahahalagang resulta ng kamakailang pagbisita ni Marcos sa Russia.
Ang 24 na Pilipino ay na-detain sa Russia sa loob ng halos siyam na buwan bago pinayagang makauwi sa bansa.
“24 souls, 24 families – most of all, 24 Filipinos who would still be languishing in an eastern Siberia jail, probably for the rest of their lives – one of the biggest achievements of the president’s visit to Russia that almost escaped public notice and appreciation. Thank you!” ani Lacson sa X.
Dumating ang mga repatriated Filipinos sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 sa dalawang batch mula Bangkok, Thailand, ayon sa release ni Lacson.
Sinabi sa release na nakipag-ugnayan ang Department of Foreign Affairs sa Russian authorities para sa repatriation, sa tulong ng Department of Migrant Workers at Overseas Workers Welfare Administration.
Nauna nang sinabi ng Presidential Communications Office na nakatakdang makauwi ang mga Pilipino noong Hunyo 21 matapos silang mapalaya mula sa detention sa Russia.
Ayon sa PCO, anim na overseas Filipinos ang nakatakdang dumating sakay ng Philippine Airlines Flight PR 737, habang ang natitirang 18 ay inaasahang darating sakay ng Philippine Airlines Flight PR 733.
Sinabi ng PCO na halos siyam na buwan silang na-detain sa Irkutsk nang walang formal charges.
Nauna nang sinabi ni Marcos na pinahintulutan ni Putin ang pagpapalaya sa 24 na Pilipino matapos personal na idulog ng Pangulo ang kanilang kaso sa kanilang pulong sa Kazan.
Sinabi ng PCO na ipinahayag ni Marcos ang kanyang pag-aalala sa matagal na detention ng mga Pilipino at nagtanong tungkol sa kanilang kondisyon at legal status.
Ayon sa PCO, nirepaso ng Russian authorities ang kaso, natukoy ang kinaroroonan ng mga detainee at nakumpirmang wala silang kinakaharap na kaso.
Sinabi sa release ni Lacson na batay sa mga naunang ulat, nagtrabaho bilang cleaners sa Russia ang mga Pilipino at na-detain sila dahil sa immigration-related issues matapos mabiktima umano ng illegal recruiters.

