Atty. Vigor Mendoza II

DOTr ipinasuspinde sa LTO Bohol enforcers

Jun I Legaspi Mar 1, 2025
28 Views

INUTOS ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II noong Marso 1 sa regional director ng LTO-Region 7 na maglabas ng preventive suspension order laban sa mga enforcer na sangkot sa viral video sa Bohol.

Ayon kay Asec Mendoza, ang ipinag-utos na preventive suspension ni Department of Transportation Secretary Vivencio Dizon kailangang ipatupad kaagad at mananatiling epektibo hanggang sa matapos ang masusing imbestigasyon.

Kasunod ito ng pagkalat sa social media ng video na umano’y nagpapakita ng mga enforcer ng LTO na nangmamaltrato sa isang motorcycle rider sa Panglao.

Ipinag-utos ni Secretary Dizon ang preventive suspension sa lahat ng LTO personnel na sangkot sa insidente sa Panglao, Bohol at tiniyak ang masusing pagsisiyasat sa pangyayari.

“Mananatili itong epektibo habang hindi pa natatapos ang isang komprehensibo at patas na imbestigasyon sa insidente,” ayon sa DOTr kaugnay ng suspension order.

Inatasan din ni Asec Mendoza si LTO Region 7 Director Glen Galario na makipagtulungan sa investigating team na binuo ni Secretary Dizon.

Humingi ng paumanhin si Asec Mendoza sa insidente at tiniyak na magpapatupad ng mga kaukulang hakbang upang maiwasang maulit ang ganitong pangyayari.