DOTr

DOTr nagkabit ng mga timer sa bus stop

Jun I Legaspi Sep 24, 2022
195 Views

NAGKABIT ang Department of Transportation (DOTr) Road Sector ng mga tomer sa 13 bus stop sa EDSA Busway system.

Ang mga bus ay bibigyan ng 30 segundo upang huminto sa bawat bus stop upang magsakay at magbaba ng mga pasahero.

Ang mga timer ay ikinabit sa mga istasyon sa Monumento, Manila Central University, at Bagong Barrio sa Caloocan City; Balintawak, Muñoz, North MRT, Quezon Avenue MRT, Q-Mart, at Main Avenue-Cubao sa Quezon City; Ortigas MRT sa Pasig City; Guadalupe MRT at Gil Puyat sa Makati City, at Taft Avenue at Roxas Boulevard sa Pasay City.

Otomatikong magre-reset ang timer pagdating ng kasunod na bus.

Maaari umanong baguhin ang haba ng panahon ng paghinto ng mga bus depende sa irerekomenda ng Inter-Agency Council for Traffic at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Sinabi ng DOTr na nakikipag-ugnayan na ito sa mga bus operator upang dagdagan ang bilang ng mga bumibiyaheng bus.

Sa 550 bus unit na pinayagang bumiyahe sa EDSA, nasa 406 lamang umano ang bumibiyahe araw-araw.