Calendar

Driver inatake sa puso, trak lumundag sa Buendia flyover
MISTULANG tumalon mula sa Buendia flyover ang 14-wheeler truck makaraang mahulog habang patungong Maynila madaling araw ng Martes sa Pasay City.
Sa paunang ulat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), tinatahak ng trak ang northbound lane ng Roxas Boulevard pasado ala-1 ng madaling araw nang biglang atakihin sa puso ang drayber habang pababa na ng Buendia flyover.
Dahil dito, nawalan ng kontrol sa manibela ang drayber hanggang bumaling ito sa kanan at bumangga sa bakal na railing, at tuluyang mahulog at sumadsad sa center island ng Roxas Boulevard.
Mabilis namang isinugod ng mga nagrespondeng Rescue Team sa Pasay City General Hospital ang drayber ng trak na sa kasalukuyan ay ino-obserbahan pa ang kalagayan.
Masuwerte naman na walang nagdaraang sasakyan sa kinabagsakan ng trak kaya’t walang iniulat na nasawi o nasaktan, maliban sa nasira ng bahagya ang center island ng Roxas Boulevard.