Driver na-heat stroke, inararo mga sasakyan, sumalpok sa center island sa Paco

Jon-jon Reyes May 5, 2025
19 Views

ISANG driver ang sumalpok sa center island ang sasakyan matapos ragasain ang ilang sasakyan sa Onyx at 1st St., Brgy. 813, Paco, Manila.

Hinihinalang biktima ng heat stroke ang suspek at nagresulta sa karambola ng sasakyan ang pagbangga niya sa center island.

Ayon sa ulat ni Police Executive Master Sergeant Jun Jun Jasmines, OIC ng Vehicular Traffic Investigation Section kay Police Major Jaime Gonzalez Jr., hepe ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), bandang alas-5:15 ng hapon ng maganap ang insidente.

Nabatid sa imbestigasyon ni Police Master Sergeant Allen Christian Camangon na habang nagmamaneho ng SUV ang isang Jeffrey Joseph David, 42, kasama ang ina niyang si Senthia Di Tan, 72, at isang John Patrick, nang biglang bumangga sa pedicab.

Dalawang babae na senior citizen na pasahero ng pedicab ang nasugatan.

Nagpagewang gewang ang sasakyan at muli itong bumangga sa mga nakatanim na halaman sa center island at nagtuloy tuloy na bumangga sa nakaparadang Mitsubishi Mirage at Honda PCX.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple physical injuries at damage to property ang suspek.