PBGEN. Ponce PRO3 director Brig. Gen. Ponce Rogelio Penones Jr

Driver ng traysikel patay sa aksidente sa Lubao

Bernard Galang Nov 9, 2025
338 Views

Lubao, Pampanga — Isang malagim na aksidente sa kalsada ang naganap sa kahabaan ng Bypass Road sa Barangay Sta. Cruz, bayan ng Lubao, nitong Sabado ng umaga, na nagresulta sa pagkamatay ng isang driver ng traysikel.

Sa ulat kay PRO3 director Brig. Gen. Ponce Rogelio Penones Jr., sinabi ng Pampanga Police Provincial Office na sangkot sa insidente ang isang traysikel na minamaneho ng biktimang si Jessie Saddu, residente ng Barangay San Pablo 2nd, Lubao, Pampanga, at isang Isuzu dropside truck na minamaneho naman ni Fabin Baril Jr., residente ng Lungsod ng San Fernando, Pampanga.

Batay sa paunang imbestigasyon, binabaybay ng Isuzu truck ang direksyon patungong Bataan mula sa Lungsod ng San Fernando nang aksidenteng masagi nito ang traysikel na tumatawid sa bypass road mula sa Barangay Sta. Rita.

Dahil sa lakas ng impact, tumilapon ang biktima mula sa kanyang sasakyan at nasagasaan ng naturang truck.

Nagtamo si Saddu ng matinding mga pinsala sa katawan at agad dinala sa ERD Hospital para sa lunas, ngunit idineklara siyang dead on arrival ng gumamot na doktor.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Lubao Police Station ang driver ng Isuzu truck para sa isinasagawang imbestigasyon at nararapat na disposisyon.