Rose TULONG PARA KAY “ROSE” – Sa isang press forum sa Quezon City ngayong Sabado (Mayo 31, 2025), nagbigay ng update si DSWD Spokesperson Irene Dumlao tungkol kay “Rose,” ang babaeng naging viral matapos makuhanan ng litrato habang gumagapang palabas ng isang imburnal sa Makati. PNA

DSWD: ‘Rose’ mula imburnal angkop na makatanggap ng ayuda

42 Views

IPINAGTANGGOL ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Sabado ang desisyon nitong magbigay ng PHP80,000 na tulong pangkabuhayan kay “Rose,” ang babaeng kuha sa litrato habang gumagapang palabas ng imburnal sa Makati na naging viral kamakailan.

Ayon kay DSWD spokesperson Irene Dumlao, si Rose ay isa sa mga kabilang sa Families and Individuals in Street Situations (FISS) na na-profile ng ahensya para sa angkop na suporta.

Paliwanag ni Dumlao, dahil sa kawalan ng permanenteng tirahan, marami sa mga gaya ni Rose ay hindi nakasama sa mga programa ng gobyerno tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

“Hindi siya naisurvey kaya hindi siya nakasama sa 4Ps. Bukod pa rito, wala rin siyang anak na wala pang 18 taong gulang na isa sa mga pangunahing kwalipikasyon,” ani Dumlao sa wikang Filipino.

Sa ilalim ng Pag-abot Program na inilunsad noong 2023, layunin ng gobyerno na maabot ang mga gaya ni Rose. Sa ngayon, nasa 3,000 pamilya na ang natulungan ng programa.

“Nang nakausap namin siya, nagulat siya na may ganitong tulong pala mula sa gobyerno,” ani Dumlao.

“Masaya kaming marinig mula sa kanya na naniniwala siyang may gobyerno pa rin na handang tumulong para makapagsimula siyang muli.”

Aniya, bago ibinigay ang tulong, dumaan sa maingat na assessment ang kalagayan ni Rose.

Nang makipag-ugnayan si Rose sa DSWD, ipinaabot niya ang kagustuhang matulungan at mapalago ang kanyang kabuhayan kaya’t naaprubahan ang PHP80,000 para sa planong sari-sari store.

“Yung PHP80,000 ay hindi ibinibigay sa lahat, ito ay naka-base sa pangangailangan at resulta ng assessment ng ating social workers,” dagdag pa ni Dumlao.

“Ang pagbibigay ng tulong pangkabuhayan ay bahagi ng kabuuang serbisyo ng gobyerno sa mga nangangailangan.”

Ikinuwento rin ni Dumlao na si Rose ay nangangalakal ng basura at pumasok lang sa imburnal upang kunin ang kanyang maliit na blade cutter na ginagamit sa pamumulot.

Kumikita raw si Rose ng humigit-kumulang PHP300 kada araw, kasama ang kanyang kinakasama na nagtatrabaho bilang barker.

Hinimok rin ni Dumlao ang publiko na i-report sa DSWD ang mga katulad na kaso upang mabigyan ng karampatang tulong.