Dy Dy: Mainit na simula para sa F2. PVL photo

Dy bida sa mainit na simula ng F2

Theodore Jurado Mar 16, 2022
357 Views

TUMAPOS si Kianna Dy ng 20 points sa matagumpay na debut ng F2 Logistics sa Premier Volleyball League makaraan ang 25-15, 25-18, 21-25, 25-22 pagdispatsa sa Black Mamba-Army kahapon sa Paco Arena.

Si Dy ang gumawa ng match winner para sa Cargo Movers makaraan na magsalba ang Lady Troopers, na sorpresang kinuha ang third set, ng dalawang match points.

Nakuha na ang moment na hinihintay para sa F2 Logistics, na isa sa pinamatagumpay na clubs sa bansa, na maging bahagi ng now-professional league matapos hindi sumalang nitong nakalipas na taon dahil sa injuries.

“We are very excited to be a part of the PVL finally. We just keep on preparing and studying other teams as we continue this tournament,” sabi ni Dy, na may team-high na apat na blocks.

Solido rin si Ara Galang para sa Cargo Movers na may 11 points at 15 receptions, kumana si Majoy Baron ng dalawang service aces upang tumapos na may 10 points, habang nagdagdag si Aby Maraño ng siyam na puntos, kasama ang tatlong blocks.

Nagbigay naman si F2 Logistics’ starting setter Iris Tolenada ng 27 excellent sets at umiskor ng dalawang service aces, habang kumulekta si libero Dawn Macandili ng 19 digs.

Pinapaboran na magreyna sa Group A, alam ng Cargo Movers ang kalagahan ng bawat laro.

“We will take it one game at a time. We don’t know what will happen talaga. Every other day ang match namin. We just have to prepare, regardless kung sino ang teams na nandiyan,” sabi assistant coach Benson Bocboc, na humalili kay head coach Ramil de Jesus na unavailable.

Dominante ang F2 Logistics sa unang dalawang sets bago humabol ang Army sa third upang makakuha ng lifeline.

Subalit nakabawi ang Cargo Movers, na ibinalik si Tin Tiamzon sa fourth set matapos magpahinga sa third nang sumalang si Dzi Gervacio, at nagpakita ng katatagan upang masawata ang pagresbak ng Lady Troopers.

“Matibay at experienced ang Army na iyan. Kahit saan mo dalhin iyan, lalaban at lalaban iyan. Nakita naman natin na nag-iinit sila, mas nage-enjoy sila sa ginagawa nila. Kailangan lang talaga i-push natin para makuha natin yung panalo,” sabi ni Bocboc.

Nanguna si Royse Tubino para sa Lady Troopers na may 18 kills habang nagdagdag ang bagong hugot na si Michelle Morente na may siyam na kills, 17 digs at pitong receptions.