Calendar
Source: File photo
E-triker namasada para pambili ng gatas ng anak, binaril sa mukha ng RIT
DEDO ang 34-anyos na e-trike driver nang barilin sa mukha ng riding-in tendem Lunes ng gabi sa Malabon City.
Dead-on-the-spot ang biktimang residente ng Sitio 6 Brgy. Catmon, sanhi ng isang tama ng bala sa mukha habang mabilis na tumakas ang mga salarin, patungo sa Brgy. Acacia.
Sa ulat ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, naganap ang pamamaril dakong alas-8:00 ng gabi sa kanto ng M.H. Del Pilar St. at Basilio St. Brgy. Tugatog habang namamasada ang biktima para sa pambili ng gatas ng bagong panganak na anak sa kanyang live-in partner.
Blangko pa ang pulisya sa motibo ng pagpaslang, pati na ang kanyang pamilya, dahil sa ginawang pahayag ng ina ng biktima na si Aling Marife na wala silang alam na kaaway ang anak na nagsisikap aniyang buhayin ang pamilya sa pamamasada.
Sa ginawa namang beripikasyon ng mga imbestigador, napagalaman na nakulong na ang biktima dahil sa paglabag sa pag-iingat ng pampasabog noong Pebrero 19, 2024.
Nagsasagawa pa ng follow-up operation ang pulisya para sa pagkakakilanlan at agarang pagdakip sa mga salarin.

