Barry Gutierrez

Edukasyon nasa masamang kalagayan — Gutierrez

165 Views

NASA masamang kalagayan umano ang sistema ng edukasyon ng bansa sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte na abala rin sa mga bagay na wala namang kinalaman sa trabaho bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).

Ito ang sinabi ni dating Akbayan Partylist Rep. Barry Gutierrez na nagsabi na dapat ang tutukan ni Duterte ay ang problema ng sistema ng edukasyon sa bansa at hindi ang ibang mga bagay na trabaho ng ibang ahensya ng gobyerno.

“Maraming problema ang kinakaharap ng sektor ng edukasyon ng ating bansa, mula sa kakulangan sa guro, imprastraktura at learning materials hanggang sa effectivity ng curriculum ng pampublikong paaralan,” sabi ni Gutierrez.

“Base sa ulat ng World Bank nitong 2023, 9 out of 10 sa mga Pilipinong mag-aaral sa edad ng sampung taong gulang ay kulang ang kakayahan sa pagbabasa. Patunay ito na nasa isang matinding education crisis ang ating bansa,” dagdag pa nito.

Partikular na tinuligsa ni Gutierrez ang pakiki-alam ni Duterte sa usapan ng muling pagpasok ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) at ang desisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na buksan ang peace negotiation sa pagitan ng Pilipinas at rebeldeng komunista.

“It’s quite evident that Vice President Sara Duterte has been actively involved in matters that are beyond her responsibilities as the Secretary of Education,” ani Gutierrez.

“Ang kanyang pakikisawsaw sa mga isyu na labas na sa kanyang responsibilidad katulad ng pag-allow sa International Criminal Court na mag-imbestiga, pagsasagawa ng peace talks sa pagitan ng gobyerno at ng communist rebels, pakikialam sa foreign relations sa pamamagitan ng pangunguna sa pagbati sa anibersaryo ng China at mga pagsasagawa ng ribbon cutting sa mga pribadong kumpanya ay sadyang nakakabahala,” dagdag pa nito.

Gaya ni dating Sen. Leila De Lima, sinabi ni Gutierrez na dapat magbitiw na bilang kalihim ng DepEd si Duterte.

“Oo, pangkaraniwan na para sa mga politiko na manghimasok at mangialam sa iba’t-ibang isyu at aktibidad, but the extent of Vice President Duterte’s involvement in issues outside her primary function raises questions about her focus and priorities as Secretary of Education,” sabi ni Gutierrez.

“If Vice President Duterte finds the demands of the Secretary of Education overwhelming or incompatible with her interests and skills, it might be prudent for her to consider stepping down from this role,” wika pa nito.