Lacson

Epekto ng pondong ibinigay ni Ping sa UPLB Biotech ramdam na

556 Views

TUMANGGAP ng pasasalamat si Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson mula sa National Institute of Molecular Biology and Biotechnology (BIOTECH) ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) dahil sa pagsusulong niya ng mas malaking badyet para sa kanilang mga pag-aaral lalo na sa agrikultura.

Matapos ang ginawang town hall event ni Lacson at kanyang running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III sa Sta. Cruz, Laguna nitong Martes (Pebrero 22) sumunod silang nagtungo sa UPLB-BIOTECH makaraang maimbitahan ng mga opisyal dito.

“Inimbitahan ako kasi ang dami kong nai-augment na ano diyan, ‘yung tawag ko doon ‘institutional amendment.’ Hindi pork barrel ‘yon. Kasi ‘yon nga e, research, research and development. Ang dami nating mga may PhD doon, nandoon nga sila e, na ‘yung iba nagbabalak na mag-abroad kasi walang suporta ‘yung gobyerno,” lahad ni Lacson sa panayam ng DZRH nitong Huwebes.

“Pinasyal kami doon sa laboratoryo, ipinakita sa amin ‘yung mga equipment na binili na nila. Kasi malaki ang nai-augment ko taun-taon mula noong 2018, 2019 hanggang dito sa 2022. Bilyon ang naibuhos kong pondo diyan sa pamamagitan ng realignment, ika nga. Kinuha ko doon sa alam kong masasayang lang ‘yung pondo, diyan ko nilagak,” dagdag ni Lacson.

Aniya, matagal na siyang inaanyayahan ng UPLB-BIOTECH na pinamumunuan ni Dr. Marilyn Brown, para maipakita ang mga pinal nilang produkto tulad ng binhi at pataba na nagmula sa kanilang mga isinagawang pananaliksik na sinuportahan ni Lacson at Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III sa Senado.

Dahil dito, mas lumakas ang paninindigan ni Lacson na dapat talagang suportahan ang sektor research and development ng ating bansa upang makatulong sa sarili nating mga mananaliksik at siyentista na ang iba ay nagdedesisyon nang mangibang-bansa.

Naniniwala rin ang presidential candidate na makatutulong ang mataas na suporta ng gobyerno sa research and development para mapalakas ang agrikultura ng Pilipinas na nangungulelat, lalo na sa produksyon ng bigas.

“Ang naungusan lang natin Myanmar kasi ang production ng Myanmar 9.9-million metric tons (MT), ano. Tayo nasa 18.8 [million] metric tons,” ayon kay Lacson.

“Tapos ‘yung Thailand nasa trenta (milyon MT) na sila. ‘Yung Vietnam nasa kwarenta (milyon MT) na. Isipin mo napag-iwanan na tayo [samantalang] sa atin nag-aral ‘yang mga ‘yan. E wala kasing suporta nga,” aniya.

Sa kanyang mahabang karanasan sa Senado, matagal nang isinusulong ni Lacson ang pagpapataas ng badyet para sa mga pag-aaral na direktang makatutulong sa iba’t ibang sektor, lalo na ang mahihirap na Pilipino.