Tulfo1

Erwin Tulfo handang makiisa sa mga senador ano man ang kanilang partido

23 Views

SA papalapit na pagtatapos ng bilangan ng mga nanalo sa Halalan 2025, ipinahayag ni Erwin Tulfo, isa sa mga inaasahang panalo sa Senado, ang kanyang kagustuhan na makipagkaisa sa mga kasalukuyang Senador at mga kapwa niya Senator-Elects, saanman sila nanggaling.

Sa isang pahayag, sinabi ni Tulfo, “Pagod na ang mga Pilipino sa mga away-politika. Ang dapat na makita nila ay yung nagkakaisang mga senador, mga lingkod-bayan. Kaya iyan ang una kong gagawin kapag ako ay maupo sa Senado: kausapin ang bawat hanay.”

Sabi pa niya, “Uupo tayo kasama ang Senate President, ang oposisyon—lahat. Dahil mayroon lang kaming anim na taon para tuparin ang mga ipinangako namin sa taumbayan kaya dapat magkaisa na.”

Ang sentimyentong ito ni Tulfo ay bunsod ng kasalukuyang standing niya sa Halalan. Dahil siya, bilang kandidato ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas ay kasama ang mga pambato ng PDP-Laban at oposisyon sa Top 6 ng Senado.

Aniya, ang pagkakaisa sa mataas na kapulungan ay kailangan para sa pagsugpo sa kahirapan, pagsasaayos ng serbisyong pangkalusugan, paglikha ng trabaho, pagsusulong ng hustisya, at pagpapaganda ng edukasyon sa bansa.

Ang mambabatas at consistent na frontrunner sa Senate Race ay naghayag din ng kanyang plano na tumutok na sa mga kailangang gawin sa trabaho sa Senado.

Pahayag niya, “Nandito na tayo sa puntong ang dapat na isipin natin ay yung mga susunod na hakbang natin pagdating sa trabaho. Dapat siguruhin natin na di natin madidismaya ang ating mga kababayan dahil iyon ang nararapat sa kanila—kalidad na serbisyo mula sa gobyernong inihalal nila.”

Maliban sa pagkakaisa sa Senado, plano rin ni Tulfo na magsulong ng mga panukalang batas para sa maayos na sahod ng mga Barangay Officials and Workers, pag-amyenda sa Rice Tariffication Law at budget ng Edukasyon, partikular sa mga nakalaan para sa mga klasrum, paglalagay ng sapat na gamot at gamit sa mga ospital, pagsasabatas ng Sustainable Livelihood Program, at pagpapalakas ng suporta at proteksyon sa mga Overseas Filipino Workers.