Hazing HAZING VICTIM – Larawan ni Ren Joseph Bayan, 18, ang nasawing biktima dahil umano sa hazing ng isang fraternity sa Jaen, Nueva Ecija. Litratong bigay sa Journal Group ng kanyang kamag-anak

Estudyanteng lalaki patay sa ‘hazing’

Steve A. Gosuico Oct 1, 2024
142 Views

JAEN, Nueva Ecija -– Patay ang isang 18-anyos na Grade 11 student dahil sa umano’y hazing ng mga miyembro ng isang fraternity sa bayang ito noong Linggo.

Kinilala ni police chief Major Herbert G. Ocumen ang umano’y biktima ng hazing na si Ren Joseph “RenJo” Bayan ng Purok 6, Barangay San Pablo, at estudyante sa San Pablo National High School dito.

Ang insidente ay naganap umano sa kalapit na Bgy. San Anton, San Leonardo.

Humingi ng tulong sa pulisya si Jennifer Bayan, 28, tiyahin ng biktima, matapos dalhin sa kanilang bahay ang wala nang buhay na kanyang pamangkin ng dalawang lalaki na umano’y miyembro ng fraternity dakong alas-5 ng hapon.

Lumabas sa imbestigasyon na agad na tumakas ang dalawang suspek sa hindi malamang direksyon matapos ang insidente.

Sinabi ng pulisya na dinala ang bangkay ng biktima sa Malgapo Funeral Services dito para sa autopsy.

Humihingi naman ng hustisya ang ama ng biktima na si Renato, 41, at nanawagan siya sa mga suspek na agad na sumuko sa pulisya.

Nabatid na ang ina ng biktima na si Emelyn, isang overseas Filipino worker sa Qatar, ay uuwi ng bansa dahil sa trahedyang nangyari sa kanyang panganay na anak.

Samantala, patuloy pa rin ang “hot pursuit” operations para sa agarang pagkakaaresto sa mga suspek.