Sing

“Everybody Sing’ ng ABS-CBN, magbabalik ngayong weekend

Eugene Asis Sep 22, 2022
210 Views

ViceVice1

MULING mangingibabaw ang kantahan, tawanan, at bayanihan tuwing weekend dahil magbabalik na ang “Everybody, Sing!,” ang unang community singing game show ng bansa, simula ngayong Sabado (Setyembre 24) at Linggo (25).

Kasama ang Best Entertainment Program Host sa 2021 Asian Academy Creative Awards na si Vice Ganda, mas pinasaya ang “Everybody, Sing!” dahil 50 contestants na ang magiging parte ng ‘songbayanan.’ Ang 50 contestants na ito ang magbabayanihan upang makuha ang pinalaking jackpot prize na P1 milyon.

Kabilang sa mga sektor na sasabak sa kantahan sa “Everybody, Sing!” ang mga beautician at mall sales clerk. Kasalukuyan ding naghahanap ang programa ng tattoo artists, kambal, magsasaka, dentists, at marami pang iba dahil layunin ng programang makatulong sa iba’t ibang sektor na apektado ng pandemya.

Ani Vice, excited siya sa bagong season ng kanyang programa. “Nakaka-excite kasi ‘yung ‘Everybody, Sing!’ sobrang napamahal sa akin ng programang iyon. Na-attach ako sa staff tapos naging family na rin ‘yun. Tapos ‘yung mga kwento ng mga contestant, nagmarka na rin sa akin ‘yun,” kwento niya.

Tumagos din sa puso ng mga viewer ang mga kwento ng pagsisikap ng mga Pilipino mula sa iba’t ibang sektor lalo na noong kasagsagan ng pandemya. Maging si Vice, ilang beses hindi mapigilan ang emosyon sa show at personal na tumulong sa mga contestant, kung saan dinagdagan niya ang napanalunang cash prize nila.

Isa rin sa mga inaabangan ng viewers sa bagong season ng “Everybody, Sing!” ang agaw-pansing mga costume ni Vice Ganda. Ilan sa mga trending costume ni Vice noong nakaraang season ay ang pag-transform niya bilang sina Princess Diana, Audrey Hepburn, Harley Quinn, Elsa, at Charo Santos.

Orihinal na konsepto ng ABS-CBN ang community singing game show na “Everybody, Sing!” na naging nominado sa Venice TV Awards at Asian Academy Creative Awards noong 2021.

Anong sektor kaya ang bubuo sa unang songbayanan? Tama kaya ang isasagot nilang lyrics sa mga kantang papahulaan ni Vice? Abangan sa “Everybody, Sing!” tuwing Sabado at Linggo, sa A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, at TV5. Available rin ito sa iWantTFC, at TFC IPTV.

Para sa latest tungkol sa “Everybody, Sing!” i-follow ang @EVERYBODYSINGPH sa Facebook, Twitter, at Instagram. Para naman sa ibang balita, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram, o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.