Calendar

Ex-Manila mayor puro substandard projects–Mayor Honey
INIHAYAG ni Manila Mayor Honey Lacuna na minadaling i-turn over ng dating alkalde ng Maynila ang mga proyektong imprastraktura kahit maraming depekto at hindi pasado sa pamantayan ng pamahalaan kaya’t kailangan muling kumpunihin.
Sinabi ni Lacuna na matatag ang kanyang paninindigan na sa ilalim ng kanyang administrasyon, hindi niya papayagang makalusot ang mga substandard na proyekto dahil kailangan munang masuri ng mabuti ang mga ito bago magamit ng publiko.
“Hindi ako pwede ng ‘pwede na yan.’ Lagi kong sinasabi sa contractors, hindi papasa sa akin yan. Gusto kong siguraduhing maayos ito bago ko i-turn over,” sabi ni Lacuna.
Nauna ng ibinunyag ni Atty. Princes Abante, tagapagsalita ng Asenso Manileño, na maraming proyektong pang-imprastraktura ang dating administrasyon tulad ng mga vertical housing na tadtad ng depekto.
Kasama sa depekto ang waterproofing, hindi maayos na units, at sirang elevator, pati ang Baseco hospital na hindi mapabuksan dahil bukod sa hindi pa natatapos hindi rin pasado sa pamantayan ng Department of Health (DOH).
Kinailangan ding bumalangkas ng ordinansa upang gawing pormal ang nais ni Mayor Lacuna na baguhin ang “rent-for-life” sa mga proyektong pabahay at gawin itong “rent-to-own” upang ang mga benepisyaryo tuluyang makapagmay-ari ng tirahan.
Inungkat din ni Atty. Abante ang pagbabayad ng kasalukuyang administrasyon ni Mayor Lacuna sa bilyong piso kada taon sa utang na iniwan ng dating alkalde matapos ang iresponsable umanong paggamit sa P17.8 bilyon sa loob ng tatlong taon mula sa P25 bilyon na credit line na dapat makuha sa loob ng siyam na taon.
Nagagawang magbayad ng bilyong utang kada taon ng Manila dahil sa masinop at wastong pamamahala ni Mayor Lacuna na dahilan upang mapagkalooban ng Seal of Good Financial Housekeeping ng Department of Interior and Local Government (DILG).