Calendar
Ex-Marine na lasing nagbantang patayin 2 babae sa kalye, timbog
KULONG ang inabot ng senglot na dating miyembro ng Philippine Marines nang ireklamo ng pananakot habang may baril ng dalawang bebot na tumatawid noong Linggo sa Taguig City.
Base sa report, papatawid ang mga biktimang sina alyas Cath, 42; at alyas Kriz, 19, sa kalye sa Brgy. Central Signal nang businahan sila ng sasakyan na minamaneho ni alyas Joseph, 63, na isang ex-marine.
Tumawid pa rin ang dalawa kaya’t binusinahan nang binusinahan ng dating sundalo na nauwi sa mainitang pagtatalo.
Sa gitna ng argumento, bumunot ng baril si alyas Joseph at habang pinagmumumura ang dalawa at sinabing “Anong gusto nyo P***** i** nyo! Pagpapatayin ko kayo!”
Nasaksihan ng mga tauhan ng Barangay Central Signal ang insidente kaya nagsumbong sa Taguig Police Sub-Station 6 na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Nakuha sa dating sundalo ang cal. 45 pistol na may pitong bala.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at Grave Threats sa Taguig City Prosecutor’s Office ang suspek.