PAF

FA-50 fighter jet nawala habang nagsasagawa ng tactical night op

9 Views

ISANG FA-50 fighter jet ng Philippine Air Force (PAF) ang nawala habang nagsasagawa ng tactical night operation bilang suporta sa kanilang mga kasamahan, Martes ng madaling araw.

Ayon kay PAF spokesperson Colonel Maria Consuelo Castillo, nawalan ng komunikasyon ang aircraft sa kanyang mga kasamahan nitong martes ng madaling araw.

Aniya, bago paman makarating ang aircraft sa target area ay nawalan na ito ng komunikasyon sa kanila.

“Shortly after midnight on March 4, 2025, an FA-50 fighter jet, went missing during Tactical Night Operations. The aircraft lost communication with the rest of the flight involved in the mission minutes before reaching the target area,” pahayag ni Castillo.

Ilang beses din anyang tinanggkang tawagan ang aircraft ng kanyang mga kasamahan subalit hindi nila ito ma-contact hanggang sa makabalik na sila sa Mactan, Cebu.

Lulan ng aircraft ang dalawang piloto na pawang mga nakasuot din ng personal locator beacons.

Ayon sa PAF, ang pagkawala ng FA-50 fighter jet ang kauna-unahang malaking insidente kung saan sangkot ang isang fighter aircraft.

Sa ngayon, puspusan ang ginagawang paghahanap ng PAF sa nawawalang fighter jet at isa sa kanilang prayoridad ay ang maibalik ng ligtas ang mga piloto .

“The PAF is conducting extensive and thorough search operations, utilizing all available resources, to locate the missing jet fighter aircraft. Our primary concern is the safe return of our aircrew,” paliwanag ni Castillo.

Humiling din ng panalangin si Castillo sa publiko at umaasa aniya silang makikita ang aircraft sa lalong madaling panahon at ligtas ang mga piloto nito.

Samantala, ayon naman sa tropa mula sa Calatungan Patrol b ase sa Lantapan, Bukidnon , posibleng nakaranas ng engine trouble ang aircraft dahil maingay ito.

Nakarinig din anila sila ng tunog ng mga nagdadaang eroplano sa lugar kasunod ng isang malakas na pagsabog.

Sa ngayon, patuloy ang ginagawang imbestigasyon sa insidente.