Robin

Frat official sa Salilig hazing, tiklop sa Hamon ni Robin

295 Views

DISMAYADO si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Martes sa pagtataksil sa pagkakapatiran na ipinakita sa kamatayan ni Adamson student John Salilig dahil sa hazing – lalo na’t matapos tumiklop ang isang opisyal ng fraternity sa hamon niyang isaulo ang panalangin ng organisasyon.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights sa pag-hazing kay Salilig, hinamon ni Padilla si Daniel Perry – ang diumano’y master initiator sa insidente – na isaulo ang Triskelion Prayer, na sumasalamin sa asal ng fraternity.

Nakuha din ni Padilla ang pangako mula sa opisyal ng Adamson University na tutulungan ang mga estudyanteng sangkot para tiyaking hindi masasayang ang kinabukasan nila.

“Ako po ay isa sa nalulungkot dito sapagka’t malapit sa akin ang mga Triskelion eh. Hindi ko maintindihan itong mga batang ito. Pwede bang masagot nyo ako? Alam nyo ba kung ano ang Triskelion Prayer? Pwedeng paki-recite nyo sa akin?” tanong ni Padilla kay Perry.

Nang sumagot si Perry na “hindi ko saulado” ang dasal, nadismaya si Padilla – na binasa ang nilalaman ng Triskelion Prayer sa pagdinig.

Ipinunto ni Padilla ang bahagi ng dasal na humihingi ng kaliwanagan para sa mga opisyal ng fraternity at sorority para panatilihin ang “highest standard of decision making.”

“Nakakalungkot, mga anak. Pambihira kayo. Gusto ko pang magtanong pero mababaon kayo. Ayoko na kayo baunin pa pero baon na kayo,” ani Padilla.

“Yan po ang inyong prayer. ‘Highest standard of decision making,’ mga anak. Goodness,” dagdag niya.

Samantala, natuwa si Padilla sa pangako si Adamson College of Law Dean Anna Maria Abad na tutulungan nila ang mga estudyanteng sangkot sa insidente. “Sir, tutulong po kami,” tugon niya kay Padilla matapos niya iginiit na ang mga opisyal ng Adamson ay pangalawang magulang nila bilang estudyante.

“Kung pangalawang magulang kayo, ibig sabihin tinatanggap nyo po na may responsibilidad kayo, sabi ninyo. Itong mga batang ito kawawa ito,” iginiit ni Padilla kay Adamson Office of Student Affairs head Atty. Jan Nelin Navallasca, na nagsabing “of age” na ang mga nasangkot.

Ipinaalala rin ni Padilla kay Abad na bagama’t masakit ang nangyari sa paaralan dahil reputasyon nito ang apektado, tao pa rin ang mga sangkot at responsibilidad din nila.

Nang nangako si Abad na tutulungan nila ang mga sangkot, tumugon si Padilla: “Yan po ang gusto ko madinig Maam. Maraming salamat, I love you Maam. Yan ang gusto kong marinig, tutulungan ang mga batang ito.”