DOTr

Full refund sa makakanselang flights dapat lang–DOTr sec

Jun I Legaspi Sep 27, 2025
233 Views

IPINAG-utos ni acting Transportation Secretary Giovanni Lopez sa Civil Aeronautics Board (CAB) na sabihan ang mga airlines na bigyan ng full refund ang mga airline passengers kung maka-cancel ang flights nila dahil sa Bagyong Opong.

Wala rin dapat ipataw na rebooking fees at i-waive ang other fees sa mga cancelled flights dala ng bagyo, ayon sa kalihim.

“Ipinagutos na rin natin sa CAB na ang ating mga airlines dapat kumontak na sa kanilang mga pasahero, para ipaalam kung ang kanilang mga flights ay kanselado o hindi,” dagdag pa niya.

Inutusan din niya ang mga airport at port managers na magbigay ng pagkain at inumin sa mga stranded na pasahero.

“Ipinag-utos na po natin na dapat bukas ang ating mga airport para may masisilungan ang ating mga pasahero just in case na ma-stranded,” dagdag ni Acting Secretary Lopez.

Nagpapatupad na rin ang Maritime Industry Authority (MARINA) at Philippine Coast Guard (PCG) ng no sail policy sa mga pantalan para masigurong ligtas ang mga pasahero.

Para sa mga pasaherong stranded sa mga pantalan, nakahanda ang Philippine Ports Authority (PPA), sa pakikipagtulungan nito sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), na magbigay ng pagkain at maiinom sa mga pasahero.

Ayon sa acting transport chief, simula kahapon ay naka-heightened alert ang buong Department of Transportation (DOTr) bilang bahagi ng paghahanda sa pag-landfall ng bagyong Opong.

Mahigit 5,600 na PCG personnel, mga barko, 166 rescue boats at 122 na sasakyan ang naka-antabay sa mga lugar na tatamaan ng bagyo para asistehan ang mga pasahero at mga pamilyang kakailanganing i-rescue.

“Nag-utos na rin po tayo na ang ating lahat ng ating Coast Guard ay naka deploy na. Mayroon po tayong humigit kumulang na 5,600 personnel na dineploy sa sinasabi nating lugar na tatamaan ng bagyo,” ani Acting Secretary Lopez.