Funding provision para sa pagtatatag ng specialty centers sa mga ospital sa ilalim ng pangangasiwa ng DOH inapribahan na sa Kongreso  

Mar Rodriguez Mar 21, 2023
223 Views

INAPRUBAHAN na ng Kamara de Representantes ang “funding provision” para sa panukalang batas na naglalayong magtatag ng isang “specialty centers” sa mga ospital sa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Health (DOH).

Inaprubahan ni AKO Bicol Party List Congressman Zaldy Co, Chairman ng House Committee on Appropriations, ang tinatawag na “funding provisions” ng mga substitute bill para sa pagtatatag ng mga “specialty centers”.

Sinabi ni Co na ang budget na kailangan para sa inisyal na implementasyon ng specialty centers ay manggagaling o kukinin sa budget ng Health Department ngayong taon (2023) o ang alokasyon sa 2023 National budget.

Ayon sa kongresista, sakaling maisabatas ang nasabing panukala. Mas matututukan ng specialty centers ang mga cancer care, cardio-vascular care, renal care, physical therapy at iba pang uri ng karamdaman.

Naniniwala naman si Batanes Lone Dist. Congressman Ciriaco Gato, Jr., Chairman ng House Committee on Health, na malaki ang maitutulong ng panukalang batas sa gobyerno para maisakatuparan ang pagkakaloob ng universal health care program sa bawat mamamayang Pilipino.

Ipinaliwanag ni Gato na mabibigyan din ang mga pasyente ng kinakailangang tulong medikal ng hindi na kailangan pang pumunta sa mga malalaking specialty hospitals na karamihan ay nasa Metro Manila.