Garma Dating PCSO general manager Royina Garma

Garma: Palalayain tayo ng katotohanan

98 Views

INIHAYAG ni dating general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Royina Garma sa House quad committee na ang kanyang desisyon na magsumite ng affidavit ay dulot ng kanyang matinding paninindigan sa katotohanan at hangaring makatulong sa reporma ng Philippine National Police (PNP).

Si Garma, na isang retiradong police colonel at malapit kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, ay ikinagulat ng mga mambabatas sa paglalantad ng mga detalye tungkol sa umano’y reward system para sa extrajudicial killings (EJK) sa panahon ng madugong kampanya kontra-droga ng nakaraang administrasyon.

Sa quad committee marathon hearing noong Biyernes, ipinaliwanag ni Garma na matapos ang isang linggong pagninilay, naramdaman niyang kailangan niyang magsabi ng katotohanan at makibahagi sa pagpapanumbalik ng tiwala ng publiko sa PNP.

“I realize the truth will always set us free, Mr. Chair, and at least I will be able to contribute if we really want to make this country a better place to live…for our children,” sagot ni Garma sa tanong ni Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez.

“I think we have to do something para maibalik ‘yung trust sa PNP, magkaroon ng reform sa PNP,” dagdag niya.

Sa kanyang affidavit, isiniwalat ni Garma ang mga pangunahing detalye tungkol sa papel nina dating Pangulong Duterte at Sen. Christopher “Bong” Go sa pagpapatakbo ng mga anti-drug operations.

Kinumpirma niya ang pagbuo ng isang national task force na sumusunod sa “Davao Model,” kung saan binibigyan ang mga pulis ng gantimpala sa pagpatay ng mga hinihinalang drug suspect, pondo para sa mga operasyon at reimbursement para sa mga gastusin sa operasyon.

Nagulat si Fernandez, co-chair ng quad committee, sa biglaang pagbabago ng posisyon ni Garma mula sa mga nakaraang pagdinig at tinanong kung may nagpilit sa kanya na magsumite ng affidavit.

“Meron po bang pumilit sa inyo para i-execute ang affidavit na ito?” tanong ni Fernandez.

Nilinaw ni Garma na kusang-loob niyang ginawa ang desisyon. “Wala po, Mr. Chair, it took me one week to make some reflections,” sagot niya.

Binalikan din ni Fernandez ang mga naunang pahayag ni Garma tungkol sa takot niya para sa kanyang kaligtasan. “Kanina po may sinasabi kayo na natatakot kayo sa buhay niyo at sa pamilya niyo, saan po kayo natatakot?” tanong niya.

Inamin ni Garma ang kanyang mga pangamba ngunit nanindigan sa kanyang desisyon. “Of course, it’s normal, Mr. Chair, when you speak the truth, you cannot please everyone. But still, it took me one week to make reflections, and I realized I need to do my part,” tugon niya.

Itinanong din ni Fernandez kung ang dating ugnayan ni Garma kay dating Pangulong Duterte ay nakaapekto sa kanyang damdamin, at kung ito ang dahilan ng kanyang halo-halong emosyon.

Inamin ni Garma na magulo ang kanyang emosyon ngunit iginiit na ang kanyang paninindigan sa katotohanan at reporma ang nagpatnubay sa kanyang desisyon.

“Normal lang naman bilang tao, Mr. Chair, pero what prevailed after a week of reflection is I always say, the truth will always set me free. I want a better place. A better PNP, Mr. Chair,” sabi niya.

Suportado ni Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. ang desisyon ni Garma, at sinabi na ito ay naaayon sa layunin ng komite na tugunan ang mga isyu sa PNP.

“Yes, Mr. Chairman, we are all on the same page. Kaya po natin ginagawa ito para sa taumbayan — na maayos ‘yung PNP, mawala ‘yung extrajudicial killings, ‘yung drugs,” ani Gonzales.

Ang quad comm — na binubuo ng committees on dangerous drugs, public order and safety, human rights at public accounts — ay nagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay sa pagkakaugnay ng mga illegal offshore gaming operators, paglaganap ng illegal drug trade, land grabbing ng ilang Chinese nationals at ang EJK na konektado sa kontrobersyal na anti-drug campaign ng administrasyong Duterte.