Solar

Gatchalian binanggit Pakistan solar boom sa panawagang padaliin ang rooftop permits sa PH

59 Views

MODELONG pwedeng gayahin ng Pilipinas para kay Senate President Sherwin Gatchalian ang mabilis na paglawak ng rooftop solar sa Pakistan.

Nanawagan ang senador sa Department of Energy, local governments at distribution utilities na bawasan ang red tape at gawing mas simple ang requirements sa pagpapakabit ng rooftop solar systems.

Makatutulong ang rooftop solar systems upang mapababa ang singil sa kuryente, mabawasan ang bigat sa power grid sa mga panahon ng mataas na demand at mabawasan ang pagdepende ng bansa sa imported fossil fuels, ayon sa senador.

Maaaring hindi mapakinabangan ng maraming Pilipino ang mga benepisyong ito kung hindi mapapabilis ang permits, hindi magiging standardized ang requirements, at hindi mapaiikli ang processing time.

“The problem with solar rooftops is red tape. Dapat bawasan ng DOE ang bilang ng mga hakbang at requirements na kailangang pagdaanan ng mga gustong magpakabit ng solar panels,” ani Gatchalian.

Patuloy na nagpapahina ng loob sa households, negosyo, paaralan at government offices ang mabagal at komplikadong proseso sa paglipat sa solar energy.

Ayon sa kanya, dapat magtulungan ang DOE, local government units at distribution utilities upang gawing mas madali para sa consumers ang pagpapakabit ng rooftop solar.

Maaaring kumuha ng aral ang Pilipinas mula sa consumer-driven solar boom ng Pakistan sa pamamagitan ng pag-alis ng hindi kinakailangang hadlang at pagpapadali sa access sa rooftop solar para sa households, businesses at public institutions.

Ang pagpapasimple ng proseso ay makatutulong upang mas maraming Pilipino ang makapag-isip na gumamit ng rooftop solar bilang opsyon para makontrol ang gastos sa kuryente.