Calendar
Nilindol sa Mindanao patuloy sa pagtanggap ng tulong
PATULOY ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), National Housing Authority (NHA) at iba pang ahensiya sa pagbibigay ng tulong sa mga naapektuhan ng lindol sa Mindanao noong Hunyo 8.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang lahat ng posibleng tulong para sa mga biktima ng lindol.
“Malinaw ang bilin ng Pangulong BBM, hindi natin iiwan ang mga kababayan nating Mindanaoan hanggat hindi pa sila nakakabangon mula sa epekto ng lindol,” ani DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling.
Noong Hunyo 15, bumisita si Pangulong Marcos Jr. sa mga komunidad sa Sarangani upang ipahayag ang suporta ng pambansang pamahalaan.
Nagsimula ang NHA sa pamamahagi ng cash assistance sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP). Tinatayang 2,865 kabahayan na nasira sa General Santos City, Glan at Malapatan ang makatatanggap ng tulong pinansyal.
Nagpapatuloy ang beripikasyon para sa mga benepisyaryo sa Davao Region at magsisimula ang pamamahagi ng ayuda sa mga susunod na linggo.
Ang DHSUD Regional Office 12, katuwang ang UN-International Organization for Migration (UN-IOM) at Australian Aid, ay nakapamahagi na ng 797 shelter-grade tarpaulins (SGTs) at 350 shelter repair kits (SRKs) sa mga pamilyang naapektuhan ng lindol.
Ang SRKs ay naglalaman ng GI sheets, plywood, kahoy, pako, at mga pangunahing gamit para sa pagkukumpuni ng bahay, samantalang ang cash assistance ay pantulong sa karagdagang gastusin.
Sa Davao Region, nakapamahagi na rin ang DHSUD RO11 ng 600 SGTs sa Jose Abad Santos, Davao Occidental at nakatakdang ipagpatuloy ang pamamahagi ng karagdagang SGTs at SRKs sa mga darating na araw.

