Calendar
Source: FB
Gatchalian muling itinulak pagbabawal ng smartphones sa oras ng klase
MULING itinulak ni Senate President Sherwin Gatchalian ang pagbabawal sa paggamit ng smartphones at iba pang electronic gadgets sa oras ng klase sa mga pampubliko at pribadong paaralan, kasabay ng pagbibigay-diin sa kaligtasan ng mga mag-aaral at pangangailangang manatili silang nakatutok sa pag-aaral.
Ginawa ni Gatchalian ang panawagan sa gitna ng mga pangamba sa karahasan sa mga paaralan at online risks na kinasasangkutan ng mga menor de edad.
Ayon sa kanyang tanggapan, kasunod ang panukala ng pagsuspinde ng on-site classes sa isang pampublikong paaralan sa Batangas dahil sa naiulat na banta ng pamamaril.
Binanggit din ni Gatchalian ang napigilang pag-atake sa isang paaralan sa Laguna noong nakaraang Pebrero, kung saan pitong mag-aaral ang umano’y na-recruit ng foreign handlers sa pamamagitan ng online game na Roblox.
Nakapaloob ang panukala sa Electronic Gadget-Free Schools Act, o Senate Bill No. 627, na naglalayong ipagbawal sa mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Senior High School ang paggamit ng smartphones at iba pang electronic gadgets sa oras ng klase.
Saklaw ng panukalang pagbabawal ang mga pampubliko at pribadong paaralan.
Sinabi ni Gatchalian na layunin ng panukala na makatulong sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga mag-aaral at mabawasan ang distractions sa loob ng classroom.
“Maliban sa pagtiyak sa kaligtasan ng ating mga mag-aaral, isinusulong din natin ang smartphone ban sa mga paaralan upang matiyak nating nakatutok sila sa pag-aaral at hindi sila naaabala,” sinabi ni Gatchalian.
May mga exemption naman ang panukala para sa educational purposes, kabilang ang classroom presentations at iba pang teacher-directed learning activities.
Pinapayagan din nito ang paggamit ng mobile devices at iba pang electronic gadgets para sa mga mag-aaral na may partikular na kondisyon sa kalusugan, gayundin sa panahon ng emergency o iba pang sitwasyong may nakikitang banta o panganib.
Dumating ang panibagong panawagan ni Gatchalian habang sinusuri ng mga senador kung paano mas mapoprotektahan ng mga paaralan, pamilya, law enforcement agencies, at online platforms ang mga menor de edad laban sa karahasan, exploitation, at mapanganib na online influence.
Kasabay din ng panukala ang muling pagsusuri ng mga paaralan sa safety measures matapos ang mga insidente at bantang kinasasangkutan ng mga estudyante.
Sinabi ni Gatchalian na dapat manatiling ligtas na lugar ng pag-aaral ang mga paaralan habang tinitiyak na hindi nakaaabala sa mga estudyante ang electronic gadgets sa oras ng klase.

