Calendar
Kinakausap ni Senador William Gatchalian Chairman ng Senate Committee on Finance ang mga miyembro ng committee sa pagsisimula ng bicameral conference upang talakayin ang proposed 2026 national budget na ginaganap sa Philippine International Convention Center, Pasay City nitong Disyembre 13, 2025. JOSEPH MUEGO
Gatchalian nanawagan ng pagkakaisa sa bicam sa 2026 badyet

PINANGUNAHAN ni Senador Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Finance, ang pagbubukas ng Bicameral Conference Committee meeting para sa mga magkaibang probisyon ng House Bill No. 4058 o ang panukalang 2026 National Budget.
Sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng lehislatura, isinagawa nang live-stream ang bicameral proceedings — hakbang na itinuturing ng Senado bilang malaking reporma para sa transparency at pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan.
“This is a recognition that the Filipino people are the ultimate stakeholders of every peso contained within every national budget, and as such, they have the right to know exactly where their taxes go,” pahayag ni Gatchalian sa Philippine International Convention Center, kung saan nagpapatuloy ang deliberasyon.
Binigyang-diin ng senador na dapat pag-isahin, pagdugtungin, at pag-ugnayin ng dalawang kapulungan ang kani-kanilang bersyon ng pambansang badyet “sa pamamagitan ng bukas na talakayan, paggalang, at sama-samang layunin upang integrate, unify, at harmonize ang mga prayoridad ng bansa.”
“We will ensure that our vision is broad—beyond the current standards—towards a prosperous future for our countrymen,” wika ni Gatchalian. “We will ensure that the national budget for the year 2026 will serve as a way to raise the lives of every Filipino.”
Ipinaliwanag pa niya na tungkulin ng Bicameral Committee na hindi lamang pagtugmain ang mga numero at detalye ng panukalang batas kundi tiyaking ang pinal na badyet ay sumasalamin sa pinagsamang layunin ng lehislatura at pangangailangan ng taumbayan.
Samantala, binigyang-diin ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang kahalagahan ng transparency at partisipasyon ng mamamayan sa proseso ng badyet. Kabilang sa mga mungkahi ng Roundtable for Inclusive Development at People’s Budget Coalition ang pagpayag sa mga civil society groups na makasaksi sa mga bicam meetings, paglalathala ng bicam reports at justifications, at pagtiyak na ang lahat ng budget amendments ay ginagawa sa open session.
“Transparency is better and more organized when the citizens themselves are involved,” ani Pangilinan. “We engage citizen groups and organizations in the deliberations of the 2026 budget.”
Inaasahang magpapatuloy ang bicameral deliberations hanggang maaprubahan at maratipikahan ng dalawang kapulungan ang pinag-isang bersyon bago matapos ang taon.

