Gatchalian

Gatchalian: Pagpapatalsik sa mga POGO suportado ng PNP

212 Views

SINABI ni Sen. Sherwin Gatchalian na suportado ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapatalsik sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa Pilipinas kaya kinakailangan tugunan ito ng pamahalaan.

“Nagpapakita lamang ito ng agarang aksyon upang mapatalsik na ang mga POGO,” sabi ni Gatchalian.

Sa pagdinig ng Senado sa panukalang pondo ng Department of Interior and Local Government (DILG) at mga attached agencies nito, ipinahayag ni PNP Chief Gen. Benjamin Acorda ang kanyang suporta sa pagwawakas ng POGO operations sa bansa.

“Base sa mga krimen na iniulat, ang mga istatistika ng krimen ay nakakaalarma. Dapat itong mamonitor nang maigi.

Kung hindi naman masusubaybayan at mare-regulate nang maayos, mas magandang wala na,” ayon kay Acorda.

Habang bumababa ang bilang ng mga krimen na iniuugnay sa mga POGO, lalong dumami ang bilang ng mga biktima ng krimen na inuugnay sa mga POGO.

Ayon sa datos ng PNP, may kabuuang 4,039 na biktima sa 4 na POGO-related crimes sa unang anim na buwan ng taon. Kung ihahambing ito sa datos noong 2022, mayroon lamang 128 na biktima sa 39 na naiulat na krimen. “Mas kakaunti nga ang mga krimen pero mas matindi ang mga ito ngayon.

Tungkol sa libu-libong biktima ng human trafficking ang pinag-uusapan natin dito na pinilit sa iba’t ibang scamming activities na nailigtas din kalaunan. Kapansin-pansin sa taong ito lamang ang lebel, tindi o intensity at lawak ng mga krimen,” sabi ni Gatchalian.

Ayon kay Acorda, pinaigting ng PNP ang kanilang capacity-building efforts upang labanan ang tumataas na aktibidad ng cybercrime na nauugnay sa mga POGO.

“Sa totoo lang, nakakaalarma ang pagdami ng mga insidente, lalo na sa cybercrimes. Kaya naman pinaiigting natin ang pagsasanay at pinapalakas natin ang kapasidad ng mga lokal na pulis sa pamamagitan ng anti-cybercrime group,” ayon pa sa PNP chief.

Bilang chairperson ng Senate Committee on Ways and Means, iginigiit ni Gatchalian ang pagpapatalsik sa mga POGO operators sa bansa kasunod ng tumataas na bilang ng mga krimen na nauugnay sa industriya kabilang ang human trafficking, forcible abduction, homicide, illegal detention, kidnapping-for-ransom, pagnanakaw, robbery-extortion, serious physical injuries, swindling, grave coercion, investment scam, cryptocurrency scam at love scam.

“Nakakabahala. Nagdudulot talaga ito ng malaking kahihiyan ng bansa sa international community dahil galing sa iba’t ibang bansa ang mga biktima. Kung gusto natin ng mapayapang bansa, hindi na dapat manatili pa ang mga POGO dito sa Pilipinas,” pagtatapos ni Gatchalian.