Calendar

Gawin nating number one si Pacquiao sa Cebu — Gov. Gwen Garcia
ILALABAN at itutulak ng Cebu provincial government na maging “Number One” sa Cebu City si Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) senatorial candidate Manny “Pacman” Pacquiao sa darating na 2025 mid-term elections.
Ito ang binigyang diin ni Cebu City Governor Gwendolyn “Gwen” Garcia kaugnay sa idinaos na proclamation rally kamakailan sa Bago City na sinundan naman ng pagpapahayag ng kanilang buong suporta para sa kandidatura ng binansagang Pambansang Kamao at dating Senador.
Idineklara din ni Governor Garcia ang mithiin ng buong provincial government kasama na ang lahat municipal mayors ng lalawigan na gawing “Number One” si Pacquiao sa Cebu City sa darating na halalan.
“Sobra ang kaniyang dedikasyon dahil nangako siya na sasama at muling iikot sa round sa North, tatapusin niya ito nang walang pagod. Siguro dapat na talaga natin siyang gawing number 1 dito sa ating lalawigan,” wika ni Governor Garcia.
Ang ginanap na political rally ay inorganisa at pinangunahan ng “One Cebu Party”, ang itinuturing na pinakamalakas at pinakamatatag na political alliance sa Cebu City.
Nauna rito, naging mainit ang pagsalubong at pagtanggap ng libo-libong estudyante at mamamayan ng Tarlac City para kay Pacquiao kung saan malugod itong sinalubong ni Tarlac City Mayor Christy Angeles.
Pinapurihan ni Mayor Angeles si Pacquiao bunsod ng hindi matatawarang commitment nito para maiangat ang pamumuhay ng mga mahihirap na mamamayan lalo na ang mga ordinaryong Pilipino habang nagbibigay naman siya ng inspirasyon para sa mga kabataan upang magsikap.
“Ang tunay na laban ng buhay ay nasa pangarap natin. Huwag kayong matakot mangarap, kasi kahit gaano kahirap ang simula, basta’t may pananampalataya at sipag. Posible ang tagumpay,” sabi ni Pacquiao.