Gelli de Belen Gelli de Belen

Gelli, Sherilyn at Patricia iba ang nakita sa labas ng comfort zone

Eugene Asis Mar 1, 2024
339 Views
Cong. Wilbert Lee
Cong. Wilbert Lee
Patricia Tumulak
Patricia Tumulak
Sherilyn Reyes-Tan
Sherilyn Reyes-Tan

ISA si Gelli de Belen sa hosts, kasama sina Sherilyn Reyes-Tan, Patricia Tumulak at Cong. Wilbert Lee ng Agri Partylist, ng bagong public service program na ‘Si Manoy ang Ninong Ko’ na magsisimulang mapanood sa Linggo ng umaga, 7-8, sa GMA7.

Bilang host, nakita niya at naramdaman kung gaano kalaki ang problema ng bansa pagdating sa kahirapan.

“Pag lumabas ka ng comfort zone mo at nakita mo ang mga ganitong kaso, mag-iisip ka talaga,” sabi ni Gelli. “Isipin mo, bago ka makakuha ng trabaho, ang dami mong papel na aasikasuhin, ang dami mo pang perang gagastusin. Doon pa lang, mauubusan ka na.”

“Kaya ka nga naghahanap ng trabaho, para magkapera, di ba?,” singit ni Sherilyn.

“Ang isa talaga sa solusyon, edukasyon,” ani Patricia. “Dati po akong school teacher kaya nararamdaman ko yan. At may sarili po akong advocacy na may kaugnayan sa edukasyon.

Ang kanilang programa ay may layong tumulong sa mga taong nangangailangan, at malutas kung anuman ang problemang kinahaharap nila.

“Sa abot ng aming makakaya, sa pangunguna ni Manoy Wilbert, gagawan namin ng solusyon,” ani Gelli. “Pero maliit na programa lang po kami.”

Bilang mga ina, nag-aalala sina Gelli at Sherilyn sa kinabukasan ng kanilang mga anak. Nakatuon din ang isipan ni Patricia sa mga maliliit pang bata na nakakaharap niya sa mga programang ginagawa ng kanyang sariling grupo na nagsasagawa ng mga reach out programs at storytelling sessions.

Anila, maliliit na solusyon ang naibibigay nila at sana raw, magkaroon ng long term solution ang pamahalaan pagdating sa malalang kahirapan sa ilang panig ng bansa.