Rep. Doris

GMRC itutulak na ibalik sa curriculum

Mar Rodriguez Jun 26, 2026
463 Views

ITUTULAK ni Zambales Rep. Doris “Nanay Bing” Maniquiz ang pagpapabalik ng Good Manners and Right Conduct (GMRC) bilang kurikulum sa mga pribado at pampublikong paaralan.

Nakatakdang isulong ni Maniquiz sa Kamara de Representantes ang GMRC kasunod ng madugo at walang habas na pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.

Ikinabahala ng Zambales solon ang sunud-sunod na karahasan sa loob at labas ng mga paaralan kaya para sa mambabatas, kailangan ang pagpapatupad ng mas mahigpit na alituntunin para mapangalagaan ang mga estudyante at hindi na maulit ang insidente sa SJNHS.

Dahil dito, pagbibigay diin ni Maniquiz na hinihingi na ng kasalukuyang pagkakataon ang muling pagbabalik ng GMRC sa kurikulum ng mga mag-aaral sa pribado at pampublikong paraalan para maturuan ang mga estudyante ng tamang asal.

Aminado ang kongresista na malaki na ang pinagkaiba ng mga kabataang estudyante noong unang panahon kumpara ngayon dahil narin sa kawalan ng sapat na pagtuturo ng GMRC kaya ilan sa kanila ang magaslaw kumilos at mapupusok.

“Bilang ina at tagapagtaguyod ng edukasyon. Mariin nating kinokondena ang lahat ng uri ng karahasang nagaganap sa ating mga paaralan, bawat silid paaralan ay dapat maging lugar ng kaalaman, pag-asa at kabutihang asal at hindi lugar ng takot at pangamba,” sabi ni Rep. Nanay Bing Maniquiz.

Hinihiling din ng mambabatas sa Department of Education (DepEd) at sa lahat ng paaralan na higpitan ang seguridad sa loob ng mga kampus.