Lacson

Prosecution, defense dapat umiwas mag-komento sa merito ng kaso

143 Views

SINABI ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na dapat ikonsidera ng impeachment court na payuhan ang prosecution at defense panels sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte na umiwas sa pagkomento sa merito ng kaso, upang maiwasan ang trial by public opinion bago ang pagdinig sa Hulyo 6.

Si Lacson, na magsisilbing isa sa mga senator-judge sa impeachment trial, ay nagsabing kailangang maprotektahan ng hukuman ang integridad ng paglilitis habang naghahanda ang dalawang panig para sa pormal na presentasyon ng ebidensya.

“Even before the impeachment trial begins on July 6, a separate trial before the bar of public opinion is already ongoing. The impeachment court should advise both the prosecution and defense panels to refrain from openly commenting on the merits of the case at bar,” sabi ni Lacson.

Nilinaw niya na ang kanyang pangamba ay nakatuon lamang sa mga komento tungkol sa merito ng kaso at hindi sa mga usaping pang-proseso o iba pang impormasyon na makatutulong sa pag-unawa ng publiko sa impeachment process.

“Merits of the case lang ang concern ko; nothing to do with the process and other similar points of information that the public may appreciate,” sabi niya.

Nagtapos nitong Huwebes ang impeachment pre-trial proceedings matapos markahan ng House prosecution panel, defense team ni Duterte, at Impeachment Clerk of Court ang mga ebidensya at tukuyin ang mga testigong ihaharap sa paglilitis.

Ang limang araw na pre-trial conference, na nagsimula noong Hunyo 18, ay nakatuon sa preliminary marking at evaluation ng documentary evidence mula sa dalawang panig.

Pinangunahan ni Senate Secretary at Impeachment Clerk of Court Renato Bantug Jr., kasama sina Deputy Clerks of Court Atty. Marivic Laurel-Garcia at Atty. Maria Valentina Cruz, ang huling session.

Pinamunuan ni Batangas Rep. Gerville Luistro ang House prosecution panel, habang pinamunuan naman ni Atty. Sheila Sison ang defense team ni Duterte.

Nakatakdang magsimula ang impeachment trial proper sa Hulyo 6.

Nauna nang sinabi ni Bantug na maaaring umabot sa 92 trial days ang presentasyon ng ebidensya, kung saan inaasahang gagamit ang prosecution ng 62 trial days at ang defense ng 30 trial days.

Sinabi rin niya na isasagawa ang impeachment trial mula Lunes hanggang Miyerkoles.

Inilabas ni Lacson ang pahayag habang naghahanda ang Senate impeachment court na lumipat mula pre-trial proceedings tungo sa pormal na paglilitis, kung saan diringgin ng senator-judges ang ebidensya at argumento ng dalawang panig.