PHIVOLCS Source: Phivolcs

PHIVOLCS nakapagtala ng 287 lindol mula nagsimula ang earthquake swarm

165 Views

UMABOT na sa 287 na lindol ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS-DOST) sa Bolinao, Pangasinan mula nang magsimula ang earthquake swarm noong Mayo 27 hanggang alas-7:00 ng Biyernes, Hunyo 26.

Kabilang sa mga naitala ang intensity 2 na lindol at mga pagyanig ay may lakas na magnitude 1.8 hanggang 5.1 at lalim na 2 hanggang 47 kilometro.

Ipinaliwanag ng PHIVOLCS na ang earthquake swarm ay sunod-sunod na lindol sa iisang lugar na walang malinaw na pangunahing lindol o mainshock.

Ayon sa ahensya, hindi pa matitiyak kung mauuwi ang earthquake swarm sa mas malakas na lindol kaya mahalagang manatiling mapagmatyag at laging handa.

Pinaalalahanan din ang mga residente sa mga baybaying lugar na maging alerto sa mga natural na senyales ng posibleng tsunami, gaya ng malakas at matagalan na pagyanig, biglaang pag-atras o mabilis na pagtaas ng tubig-dagat, at malakas na ugong mula sa dagat.